Una sa Balita

Pasaway na MRT pasahero may kalalagyan – Tugade

By
0 6,609

HINDI lang huhulihin kundi kakasuhan pa ang sinumang pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 na nakasandal sa pinto ng tren o magpipilit na buksan ito para makasakay na nagiging­ dahilan ng malaking abala sa pagbiyahe nito.

Inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na inatasan niya ang pamunuan ng MRT-3 na matiyagang mabuti ang kilos ng mga pasahero na nagiging ‘cause of delay’ dahil sa pagpupumilit na pumasok o lumabas ng tren kahit na nagbigay na ito ng signal o ang mga pasaherong nakasandal sa pinto ng tren kaya nagkakaroon ng signal malfunction sa pintuan nito.

“From now on, lahat ng mahuhuling sumasandal o nagpipilit magbukas ng pinto ng tren kahit sarado na, kasuhan! I told MRT to file cases and collect dama­ges from them. Mara­ming naaabala dahil sa kawalan ng disiplina,” galit na sinabi ni Tugade.

Sinabi ito ni Tugade sa pagpupulong ng mga business group at investor sa ginanap na Philippine Economic Briefing sa Pampanga kung saan ay inilabas nito ang hinaing at pagkadismaya sa muling pagkakaroon ng aberya ng MRT.

Ayon kay Tugade, maayos na ang mga tren ng MRT-3 dahil sa matinding repair and maintenance na ginawa noong Semana Santa kaya hindi na nito inaasahan pa na magkakaroon ng aberya hanggang sa naganap noong Biyernes kung saan ay nasira umano ang isang tren at nagpababa nang mahigit 1,000 mga pasahero bandang alas-8:01 sa Santolan-Anna­polis station.

“For the last 11 days, there was no unloading, it was smooth. Today, we have the first unloa­ding. Do you know the cause? There was someone who put pressure on the door. Pinilit na pumasok habang sarado na. It’s not about parts, it’s about this passenger. My instruction, identify this person,” pagdidiin ni Tugade.