Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pasasalamat mula sa Ako Bicol

0 131

Kumusta, mga kababayan kong Bicolano! Muling nagbabalik ang inyong lingkod matapos ang tatlong buwang pahinga sa pagko-kolum bunsod ng nakaraang kampanya. Bago ang lahat, ako at ang Ako Bicol Party-list ay taos pusong nagpapasalamat sa lahat ng sumuporta sa aming organisasyon.

Malaking tulong din ang naibigay ng pambansang friend at kasurog Paolo Contis sa pagkakapanalo ng Ako Bicol Party-list sa nakaraang halalan.

Sa lahat po ng tumulong sa amin upang maging matagumpay ang kampanya – Salamatunun sa gabos na suporta para sa Ako Bicol Party-list.

Padagos an mandato siring man an pagserbi sa satuyang mga kahimanwa. Makakaasa po kayo na gagawin namin ang lahat ng aming makakaya para magampanan ang aming tungkulin sa inyo. Dios Mabalos!

Ituloy lang natin ang pagdarasal upang maipagpatuloy ng Ako Bicol Party-list ang pagtulong sa mas marami pang nangangailangan.

Nais ko rin pong magpasalamat sa iba’t-ibang party-list representative na naghalal sa akin bilang bagong pangulo ng Party-list Coalition Foundation Inc. (PCFI). Ako po ang hahalili kay outgoing president at 1-Pacman Party-list Rep. Mikee Romero.

Sa manifesto ng paghalal sa inyong lingkod, binanggit dito na sa ilalim ng aking pamumuno sa PCFI, naniniwala silang magagawa kong pagbuklurin ang mga party-list representatives bilang “solid group and a potent bloc in Congress – a move necessary to push for advocacies that our respective constituents expect from us.”

Ang PCFI ay binubuo ng higit sa 60 party-list representative sa Kongreso. Ito ang pinakamalaking contingent sa kapulungan, mas malaki kaysa sa ibang political party sa ngayon.
Sa pagtitipon ng grupo kamakailan, nagdesisyon kaming suportahan ang speakership ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa paparating na 19th Congress.

Buo ang paniniwala ng samahan kay Rep. Romualdez na kapag pormal na nahalal bilang Speaker ng 19th Congress ay may kakayahan siyang pagbuklurin ang mga partido politikal sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang suportahan ang legislative agenda ng susunod na Pangulo ng Pilipinas.

Naglabas din ng pahayag ang PCFI ng tiyakang pagsuporta sa legislative agenda na ihahain ng incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbubukas ng sesyon ng 19th Congress sa ika-apat na Lunes ng Hulyo ngayong taon.

Hindi po ito ang unang pagkakataon na pinamunuan ng kinatawan ng Ako Bicol ang PCFI dahil minsan ding nagsilbing pangulo ng grupo ang pinaslang nating kasamahan na si Rodel Batocabe.

Sa panibagong mandatong ipinagkaloob ng sambayanang Pilipino, asahan po ninyong lalo pang paiigtingin ng inyong lingkod at ng Ako Bicol Party-list ang pagsisilbi sa mga Bicolano, lalo na sa mga kapuspalad nating kababayan. Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!

Leave A Reply

Your email address will not be published.