Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pasasalamat

0 92

Tapos na ang bilangan at malinaw na sa atin kung sino ang napili ng nakararami bilang mga bagong lider ng ating bansa at mga kinatawan sa Kongreso.

Hindi man pinalad ang LUNAS Partylist na bigyang representasyon ang ‘no-work, no-pay’ sector sa Kongreso, kami ay lubos pa ring nagpapasalamat sa pagkakataong mailahad sa ating mga kababayan ang aming plataporma.

Sa pag-iikot namin sa bansa ay naipaliwanag namin ang aming mga plano para mapabuti ang kalagayan ng mga ‘no-work, no-pay.’ Kasama sa sektor na ito ang mga musikero at iba pang kasama sa music and entertainment industry, ang mga nasa tourism industry, mga nagtatrabaho sa spa at salon at mga couriers at delivery riders.

Kami ay nagpapasalamat sa mga lokal na opisyal at kongresista na binigyan ang LUNAS ng pagkakataon na maipahayag ang aming plataporma na nakatuon sa pagbibigay ng maayos na kita, mga benepisyo at pinansyal na tulong sa mga ‘no-work, no-pay’ workers.

Sa mga kaibigan namin sa local music industry na nagbigay sa amin ng inspirasyon at kasiyahan para maipagpatuloy ang aming misyon, maraming, maraming salamat sa inyong lahat.

Salamat din ng marami sa ating mga dating kasamahan sa media na hindi nag-atubiling bigyan ng oras at espasyo ang LUNAS sa radyo, print media, TV at social media.

Nakapagpatuloy ang LUNAS sa kampanya nitong nakaraang halalan kahit na maraming mga sakripisyo at balakid na hinarap dahil sa mga kaibigan naming walang-sawang tumulong sa abot ng kanilang makakaya. Nang malaman nilang ang LUNAS ay tatakbo sa eleksyon, kahit hindi namin nasabihan ay kusa ng gumawa ng kani-kanilang paraan para makatulong.

May mga nagpaskil ng aming mga poster, stickers at tarpaulin sa kani-kanilang mga tahanan. May mga nagkusang nagpadala ng tulong sa mga hikahos nating mga kababayan sa iba’t ibang parte ng bansa sa ngalan ng LUNAS. May mga nangampanya sa amin sa Facebook, Tiktok, Twitter at Instagram, at marami pang paraan upang maipakilala ang LUNAS sa ating mga kababayan.

Hindi matatawaran ang kanilang pinakitang todo-suporta para sa LUNAS. Lubos ang aming pasasalamat sa inyo, mga kaibigan naming tunay.

Sa mga kasama naming namaos ang boses, nabilad sa init ng araw at naulanan, nagutom, halos magkasakit, at minsan na lang makita ang pamilya nitong panahon ng kampanya, maraming, maraming salamat sa inyo—ang aming LUNAS family.

Higit sa lahat, ang aming lubos na pasasalamat sa Poong Maykapal sa Kanyang patnubay sa araw-araw at pagliligtas sa amin mula sa mga sakuna at sakit sa panahon ng kampanya.

Ngayong tapos na ang eleksyon, hindi ibig sabihin ay tapos na rin ang pagsusulong ng LUNAS sa mga panukala nito para sa ikakabuti ng kalagayan ng mga ‘no-work, no-pay’ sector. Sa pangunguna ng inyong lingkod, at nina Darwin Bernabe Icay at Monica Ann Mitra, patuloy naming ipaglalaban ang mga karapatan ng mga no-work, no-pay’ workers. Naniniwala kaming sa bawat nilang problema, ay laging may LUNAS.

Leave A Reply

Your email address will not be published.