Una sa Balita

Pasahe sa barko, presyo ng bagahe sisirit

By
0 1,514

Magsisimula na rin magtaas ang pamasahe ng ilang shipping lines pagdating ng unang araw ng Pebrero dahil sa dagdag buwis sa mga gasolina alinsunod sa Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sa Odiongan, Romblon, simula sa Pebrero 1 ay magiging P864 na ang regular na pamasahe sa barkong biyaheng Batangas galing Odio­ngan Port na dating P762 lamang. Tumaas ito ng halos 13 porsiyento.

Tumaas din ang pamasahe ng mga sasakyang isinasakay sa mga barko kagaya ng mga kotse, motorsiklo at truck na nilalagyan ng mga produktong ibi­nebenta sa probinsya.

Samantala, sinabi ni Vicente Mayuga, isa sa mga may-ari ng trucking service sa Romblon, posibleng magtaas rin sila ng singil sa mga nagpapadala ng mga bagahe sa kanila.

Kung dati ay P100 ang kanilang singil sa bawat bagahe, baka magdagdag umano sila ng P10 hanggang P15 kada bagahe.
“Malaki kasi ang madadagdag sa gastos namin, tumaas kasi ang pamasahe sa barko, diesel ng truck, at kahit toll gate sa Batangas,” pahayag ni Mayuga.

Kung noon umano ay nagbabayad si Mayuga ng P10,282 kada biyahe ng kaniyang truck sa barko, ngayon baka magbayad na siya ng P13,000 hanggang P14,000 kada biyahe dahil sa TRAIN Law.

“Puwede ring tumaas pero sana ‘wag masyadong malaki naman. ‘Yung mga limang porsiyento sana okey lang, ‘wag naman ‘yung masyadong malaki,” pahayag pa ni Mayuga.