Una sa Balita

Partido ng administrasyon, nagkakaisa para sa Pangulo

0 225

MULING pinagtibay ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III nitong Martes na nagkakaisa ang PDP-Laban at Hugpong ng Pagbabago, na pinamumunuan ni Davao Mayor Sara Duterte-Carpio, para sa pagsuporta kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte kahit na magkahiwalay pa ang dalawang organisasyon ng mga miyembro nito.

“Ang mga kaalyado ng Pangulo ay maaaring mapabilang sa isa o parehong partidong ito ngunit magkakakampi pa rin tayo; lahat tayo ay sumusuporta sa Pangulo,” giit ni Pimentel, na naunang ipinadama ang bukas niyang pagtanggap upang maikasa ang pakikipagkoalisyon sa Hugpong ng Pagbabago.

“Kagaya nang nasabi ko sa aking mga kapartido, isang regional party ang Hugpong ng Pagbabago habang national­ party naman ang PDP-Laban. Wala akong nakikitang problema sa anumang dual membership sa national party at regional party,” sabi pa ng senador.

Idinagdag pa ni Pimentel na siyam na buwan pa bago maganap ang midterm elections kung kaya nararapat na ituon ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang atensiyon sa pamamahala at hindi sa pamumulitika.