Una sa Balita

Parish priest sa Samar na-hit-and-run, 1 pang pari sumalpok sa poste

By
0 1,349

Kaagad na nasawi ang isang parish priest matapos ma-hit-and-run ng isang truck habang sugatan ang kanyang assistant priest nang masangkot sa magkasunod na aksidente sa lalawigan ng Eastern Samar, dahil sa masamang panahon.

Sa pinarating na report sa tanggapan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nasawi noon din si Father Moses Campo, kura-paroko ng bayan ng Guiuan, matapos na mabiktima ng hit-and-run dakong alas-3:30 ng hapon kamakalawa sa Barangay Naparaan sa bayan ng Salcedo. Lulan umano ng kanyang sasakyan ang pari nang mabangga ng isang truck.

Patuloy namang i­naalam ng mga awtoridad ang pagkakaki­lanlan ng truck driver, na sa halip na tulu­ngan ang pari ay mabilis pang tumakas.
Samantala, pasado alas-tres naman ng hapon kamakalawa nang masangkot din sa aksidente si Father Edmel Raagas, assistant priest ni Campo, nang mabangga ang sinasakyang behikulo sa isang poste sa Barangay Anuron sa bayan ng Mercedes.

Nailabas umano si Raagas mula sa kanyang umaapoy na sasakyan kung saan nagtamo ito ng mga paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan, at kaagad na isinugod sa pagamutan sa Tacloban City.

Nabatid na ang dalawang pari ay kapwa pabalik na sa bayan ng Guiuan nang maganap ang aksidente.