Una sa Balita

Parangal

0 486

Dahil ang katotohanan dito sa ating bansa, mahirap mabuhay o maghanap ng kabuhayan kung manunulat ka. Masarap lang pakinggan o basahin, pero iilan lamang ­talaga ang kilala kong nabubuhay sa pagsusulat. Iyong nagsusulat sa kung saan-saan at nababayaran nang sapat. Sapat para buhayin ang kanyang pamilya.

Kaya ang manunulat sa bansang ito ay may iba pang trabaho: guro, propesor, abogado, advertising executive, inhinyero, negosyante, ahente, OFW, cultural at NGO worker. May kilala akong marinong nagsusulat kaya sa bawat pagbaba niya sa barko, ang dami na niyang naisulat. At bago siya sumakay muli ng barko, magbabaon siya ng maraming aklat na mababasa.

Hindi katulad sa ibang bansa na nagi­ging milyonaryo—o bilyonaryo pa!—dahil lamang sa pagsusulat. May mga manunulat na sinusuwelduhan nang maayos at may natatanggap na mala­king royalty buhat sa mga nabentang aklat.

Samantala, dito sa ating bansa, suwerte nang maubos ang ilang daang kopya ng aklat sa loob ng ilang taon. Pangtaksi na lang ang matatanggap na royalty, kung mayroon man.

Pangarap ko na mula pagkabata na ­maging manunulat. Pero alam ko rin na hindi ako mabibigyan nang maayos at tuloy-tuloy na kabuhayan nito kaya naman nagtuturo ako ngayon sa unibersidad. Noon pa mang kolehiyo ako sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, alam ko nang hindi ako kayang buhayin ng kinahihiligan kong pagsusulat. Ang sa akin, masaya lang ang gawaing ito.

Masayang mabasa ng ibang tao.

Masaya na ako sa ganito, dalawang paha­yagan ang pinagsusulatan ng column ­linggo-linggo; nakakapagsulat ng ­libro tuwing ikala­wang taon; naiimbitahang magsa­lita at magturo sa mga kabataang gusto ring maging manunulat. Masaya na ako kahit walang milyon-milyong kinikita ang pagsusulat.

Nakatulong din nang malaki na ang itinuturo ko sa unibersidad ay may kinalaman sa pagsusulat at appreciation sa pagsusulat, panitikan, at kultura sa kabuuan. Ito na siguro ang pinakamalapit sa kasiyahan sa ideya na sinusuwelduhan ka sa isang gawaing gustong-gusto mo.

Naibubuhos ko ang sarili. Marubdob sa pagsulat at pagtuturo kung paano magsulat. Hindi lang talino ang iniuukol ko, pati sarili, lalo ang integridad at dangal.

Dangal, buong pagkatao at pangalan. Wika nga, dangal na lang ang kayamanang natatamo ko sa pagsusulat dahil wala naman talagang kabuhayang maibibigay.

Kaya naman kapag nabibigyan ng ako ng parangal, parang nag-iibayo ang aking dangal sa ginagawa.

Kamakailan, kinilala po 38th National Book Awards ang aking aklat na ‘Finding Teo: Tula/Talambuhay’ bilang Best Book of Nonfiction Prose in Filipino. Ipinagkakaloob ang gawad taon-taon ng National Book Development Board at Manila Critics Circle.

Ang isinulat kong ­aklat ay biography ng dati ring Abante ­columnist at makatang si Teo T. Antonio na ­nakabase ngayon sa ­Estados Unidos.

Naging mahalagang bahagi ng aklat ang pagtalakay ko sa buhay ni Antonio noong siya ay sumusulat pa ng lingguhang kolum sa pahayagang ito sa paraang patula.

Makakabili ng kopya ng ‘Finding Teo: Tula/Talambuhay’ sa piling bookstores sa bansa at sa UST Publishing House sa UST campus sa ­España, Maynila.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa aking Facebook account: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy