Una sa Balita

‘Parang alipin tayo ng China’

0 488

By Juliet Deloza Cudia

NAGLABAS ng saloobin ang kapitan ng fishing boat sa karanasan nila sa pangi­ngisda sa ating teritoryo, lalo na ang mapait na karanasan sa Chinese fi­shing vessel na matapos silang banggain ay iniwan pa sa dagat ng Recto Bank noong gabi ng Hunyo 9.

“Parang alipin po tayo ng China. Parang wala tayong karapatan sa sarili nating nasasakupan,” maluha-luhang kuwento ni Felix dela Torre, ang kapitan ng F/B Gem-Vir sa isang press conference sa San Jose, Occidental Min­doro.

Dahil sa ginawang pagbangga sa kanila ng Chinese fishing vessel, nagdulot ito ng malaking butas sa fishing boat at agad na pumasok ang tubig. Nasira din ang makina ng fishing boat at nag­laho ang mga huli nilang isda sa loob ng isang linggo.

Sa statement ng Chinese Embassy sa Maynila nitong Biyernes, inamin nilang barko ng China ang sangkot pero itinanggi nilang iniwanan sa laot ang 22 Pilipinong mangingisda.

Natakot umano ang kapitan ng Chinese vessel nang makitang pito hanggang walong fishing boat ang papalapit sa kanila kaya’t umalis sila sa lugar sa takot na mabuweltahan.

Mariin naman itong itinanggi ni Dela Torre. “Nagsisinungaling po ang China.”

Kuwento nito, dalawa niyang tauhan ang lumangoy patungo sa puwesto ng Vietnamese fishing vessel para humingi ng saklolo. Nang maisalba sila ng Vietnamese fishing boat ay humiram sila ng radyo upang ipaalam sa Philippine Navy ang kanilang sinapit.

Ikinuwento rin ni Bannie Candeza ang masamang pag-uugali ng mga mangingisdang Chinese. Aniya, kapag lumalapit sila ay itinataboy sila palayo. Hindi rin umano sila nakikipag-barter dahil maramot ang mga ito.
Tuwing may araw lang umano sila nangingisda dahil kapag gabi ay mga Chinese naman ang abala sa panghuhuli.

Ginagawang bobo ang Pilipino
Kinastigo naman ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang naging paliwanag ng Chinese Embassy sa insidente.

“Sabi ko nga ang story nila it doesn’t make sense parang nakakainsulto sa intelligence ng mga Pilipino ang kanilang pinapalabas na explanation. So dapat gumawa muna sila ng maayos na script kung sila man ay walang plano na ilahad ang buong katotohanan. Gumawa sila ng script na kapani-paniwala, hindi ‘yung parang nang-iinsulto sila na ta­yong mga Pilipino ay bobo,” litanya ni Lacson.

Nauunawan din ni Lacson ang ginagawang pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu.

“Naiintindihan ko naman na hindi pa nagsasalita si President Duterte kasi nga may karampatang action na ginagawa ang DFA. Nagsasalita naman ang ating spokesperson at may karampatang aksyon na ginawa ang gobyerno. it’s not as if tayo parang nabahag ang buntot na wala nang ginagawa, at least ang Philippine government,” dagdag ni Lacson.

Kinastigo din ni Senador Risa Hontiveros ang tila ginagawang cover-up ng China sa insidente.

“It is a flimsy attempt at a cover-up to shield the involved Chinese crew from any accountability and shift the blame and responsibility to our distressed fisher­folk,” diin ni Hontiveros.

Naniniwala naman si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na Chinese maritime militias ang bumangga sa fishing boat ng mga Pinoy.

Sinabi ni Carpio na ito lamang ang may kakayanan na bumangga at ang mga crew nito ay sinanay at inorganisa ng People’s Liberation Army (PLA).

Samantala, hinimok naman ng Pilipinas ang mga member states ng United Nations at ng International Maritime Organization (IMO) na pahalagahan ang buhay sa mga insidente ng maritime distress.

“It is the obligation of every responsible member state of the UN and IMO to implement these conventions and related codes concerning maritime safety and security, rather than just paying lip service to them,” diin ni Deputy Permanent Re­presentative to the IMO Senen T. Mangalile sa 101st Session of the Maritime Safety Committee nitong Hunyo 14 sa London.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy