Una sa Balita

Paramihan ng ‘T’ sa SMB-Phoenix series

0 356

Nitong nakaraang Lunes ay niyanig tayo ng malakas na lindol mga Ka-Abante.

Maraming nasugatan, may ilang mga nasawi at ilang imprastraktura ang nasira. Nangyari ang lindol bago ang Game 4 ng Hotshots at Elasto Painters.

Dito ay niyanig naman ng Magnolia ang Rain or Shine, 2-2 na ang series.

Mukhang naging maganda ang break ng Hotshots kaya ginulat nila ang Elasto Painters na umaasa para sa kanilang ikatlong panalo sana sa series na ito.

Marahil ay talagang inaral nina Coach Chito ang galawan nina Coach Caloy kaya naman basang-basa nilang ang bawat play ng Rain or Shine buong laro.

Dahil tabla na ang series, paniguradong mas magi­ging maaksiyon ang bakbakan nila. Hindi pa nga tapos ang Game 5 habang tinitipa ko ang column na ito, sa aking palagay ay babawi ang mga bata ni Coach Caloy dahil matagal na ring uhaw ang mga ito na makabalik sa Finals.

Punta naman tayo sa bakbakan ng Beermen at Fuel Masters kung saan mala-wrestling ang sagupaan. Tila yata mas pinaghandaan ng magkabilang koponan ang sakitan kesa sa totoong laban dahil sa ibang lebel ng init na pinapakita nila bawat laro.

Paramihan ng technical fouls at ejections ang magkabilang teams. Doble ang technical fouls na tinawag ngayong Game 4 kumpara noong Game 3.

3-1 na ang series, hindi nagpadaig ang defending champions, maging ang kanilang 2nd at 3rd unit ay nagpakitang-gilas din. Habang sa kabilang panig ay ejections ang nangyari, sakitan physically at verbalan ang nangyari mula umpisa hanggang sa matapos ang laro. Nariyan ang tulukan, palitan ng masasakit na salita, titigan at buskahan.

Kung titingnan ay maganda ang tapatan ng Beermen at Fuel Masters, hindi lang dahil sa ganda ng opensa at depensa kung hindi dahil sa init ng aksyon na hatid nila.

Nakakatuwa lang na sa init ng laro ay nakukuha pang magbiro ni ‘The Kraken,’ lumalabas ang kanyang pagiging makulit kaya dinadaan niya sa ganitong paraan ang laro at hindi basta nagpapadala sa pananakit at pang­bubuska ng mga manlalaro ng Phoenix.

Kaabang-abang talaga ang serye, makakapasok na kaya ang Beermen sa Finals ngayong Game 5 o hihirit pa ng isa ang Fuel Masters? Tingnan natin ang magiging ending ng bakbakan nila at subukan nating bilangin ang technical fouls na itatawag.

Punta naman tayo sa NBA mga Ka-Abante, na-sweep ng Bucks ang Pistons. Nakamit ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang career-high 41 points. Napakalupet ng performance ni Giannis, talagang pinatunayan niya na karapat-dapat siyang tanghaling MVP.

Maging ang crowd ay sumisigaw ng MVP kapag siya ay nasa free throw line. Ibang klase ang hatid na energy ni Giannis sa court kaya naman nakuha nila ang sweep kontra Pistons.

Ito nga ang kauna-unahang panalo ng Bucks sa playoff series mula 2001.

Bigo man ang Pistons ay nagpakita pa rin ng magandang laro si Blake Griffin, umani ito ng standing ovation mula sa fans ng Pistons, pagpapakita hindi lamang ng paghanga kung hindi maging respeto para sa magandang pinakita nito sa buong playoffs.

Hindi naman bumitaw ang Pistons hanggang dulo, talagang hindi lang nagpaawat ang tropa ni Giannis kaya nakuha nila ang panalo.

Dahil sa pagpasok na ito ng Bucks sa second round ng playoffs ay mabubuhay muli ang rivalry nila kontra sa Celtics. Sabik ang fans sa harapan ng dalawang teams na ito, nitong nakaraang taon nga ay nanaig ang Celtics, ngunit papayag pa ba ang Bucks na maulit ang kasaysayan?

Sa ganda ng ipinapakita ni Giannis ay baka mahirapan ang Celtics na magawa ito. Abangan na lang natin ang mainit na sagupaan ng matagal ng rival teams na ito.

Mga Ka-Abante, patuloy po ninyong suportahan ang aming show ni Bes Ramil, Sportalakan, Martes, 6pm.

Salamat po. God bless at ingat mga Ka-Abante!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy