Una sa Balita

Paralisado

By
0 202

Nabigyan ng ideya ang ibang bansa kung papaano iparalisa ang transportasyon sa Pilipinas dahil nagdulot ng matin­ding perwisyo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pagsadsad ng Xiamen­Air noong Huwebes nang gabi.

Huwag naman sana, pero kung mayroong bansa na interesadong isabotahe ang Pilipinas, isadsad lamang nila ang kanilang eroplano ay tiyak nang paralisado ang pangunahing airport natin.

Hindi lang ang mga pasahero sa NAIA ang naapektuhan sa aber­yang ito kundi sa lahat ng paliparan sa buong bansa.

Abante Hiring – IT dep

Siguradong malaki ang nawala sa mga transaksiyon sa probinsiya, Maynila at maging sa ibang bansa. Sigurado rin na malaki ang nawala sa ekonomiya ng bansa sa halos 36 oras na aberya dahil mahigit isang daang flight ang apektado. Ako nga po mismo ay kasama rin sa aberya ng dalawang araw noong palipad ako pa-Maynila mula sa Tagbiliran.

Hindi mo masisisi ang mga tao na magalit sa awtoridad dahil na­ging napakabagal nang pag-aalis sa sumadsad na eroplano. Mukhang hindi handa ang ating gobyerno sa ganitong sitwasyon. Umabot ba naman ng halos 36 oras bago ma-clear ang runway. Napag-alaman din na kulang na kulang sila sa kagamitan dahil kailangan pa silang mag-arkila ng makina para maialis ang sumadsad na eroplano.

Nakakalungkot na kahit advanced na ang teknolohiya ngayon, ang ating paliparan ay kulang na kulang sa kagamitan at hindi napaghahandaan ang mga ganitong sitwasyon. Sa ibang bansa, hindi umaabot nang ganito katagal ang kahalintulad na problema dahil kompleto sila ng kagamitan. Dapat nang matuto ang mga airport official sa karanasan na ito.

Kailangang pag-aralan na ang pagbili ng mga kagamitan na magagamit sa ganitong aberya upang hindi na muling maparalisa ang buong bansa sakaling mayroong sumadsad na eroplano sa mga paliparan.

Kahiya-hiya tuloy ang ating bansa sa sitwasyong ito kaya magsilbing aral sana ito sa mga airport official para ayusin ang mga problema sa ating paliparan. Kailangang ikonsidera na rin na gamitin ang Clark International Airport sa Pampanga bilang alternatibong gateway.

Ang mga ganitong aberya ay dapat ma­ging aral sa ating lahat partikular na sa gobyerno. Gamitin natin ang mga karanasan tulad nito upang pagbutihin pa ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.