Una sa Balita

Parak sabit sa pambubugbog ng driver

By
0 3

Nasa hot water nga­yon ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakita sa viral video na nambugbog sa isang truck driver at pahinante nito dahil lang sa umano’y simpleng traffic violation sa Barangay Looc, Mandaue City.

Isang Danica Njela Mier Alcontin ang nag-post sa Facebook ng insidente kung saan makikita ang dalawang lalaki na nagpakilalang mga pulis habang binubugbog ang truck driver at pahinante sa Barangay Looc.

Ayon kay Alcontin, sobra umano siyang nahabag sa hindi pa kila­lang truck driver at pahinante nito na walang a­wang sinaktan ng dalawang kalalakihan na nagpaki­lalang mga pulis kung kaya’t ipinost niya sa FB ang video sa pag-asang makilala ng netizens ang dalawang suspek.

Sinasabing basta na lang sinita ng mga suspek na kapwa umano mga la­ngo sa alak ang truck dri­ver sa hindi malamang violation nito. Makikita rin sa video na ang lalaking nakasuot ng kulay orange na t-shirt ay may hawak na baril habang walang awang binubugbog ang mga biktima.

Ayon kay Alcontin, nangyari ito noong Biyernes sa Mandaue-Mactan bridge nang mag-overtake sa kabilang lane ang truck at halos limang metro pa lang itong nakakatakbo ay agad itong pinara ng mga suspek at pinababa ng sasakyan hanggang sa makita na lang na binubugbog nila ang driver at ang pahinante.

Napanood ni Mandaue City Mayor Gabriel Luis Quisumbing ang nasabing video at sinabi nitong kilala niya ang isang suspek na pulis. Ipi­nadala na ng alkalde sa Mandaue City Police Office ang kopya ng video at mga larawan ng insidente para maimbestigahan ang nasabing pulis.

Nangako rin si Ma­yor Quisumbing na pananagutin niya ang mapapatunayang nagkasala sa insidente.