Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Paraan para mahinto ang cyberbullying

0 104

Magandang araw, Mga Kakampi!

Noong nag-aaral pa ako, ang bullying ay nangyayari lang sa mga eskuwelahan.

Ngayon, pati pala sa internet ay may nagaganap na ring bullying. Ito ay tinatawag na cyberbullying.

May kinalaman dito ang katanungang ipinadala sa atin sa pamamagitan ng ating Free Legal Helpdesk. Naririto ang tanong:

Hello po Atty. Chel. Yung friend ko ay nakakaranas ng bullying from the same group of people on the internet since 2020. She has all the screenshots. Until now ay hindi pa rin po sila tumitigil sa pambubully sa kanya. Ano po kayang legal action pwede niyang gawin?

Una sa lahat. Ang pambu-bully, maging personal man o sa internet, ay walang lugar sa ating lipunan. Huwag sana nating gawin iyan.

Ikinalulungkot ko ang nangyari sa iyong kaibigan, ngunit hindi malinaw sa iyong mensahe kung siya pa ay estudyante o hindi na.

Kung ipapalagay natin na estudyante nga ang iyong kaibigan, maaaring i-report sa principal ng eskwelahan ang nagaganap na bullying upang maaksyunan ito.

Sa ilalim ng R.A. No. 10627, o ang Anti-Bullying Act, may mandato ang mga elementary at secondary schools na maglatag ng polisiya ukol sa bullying disciplinary administrative actions para sa gumagawa nito.

Kasama sa mandatong ito ang pag-bigay ng sense of safety para sa biktima, maprotektahan ang nag-report ng pambubully at mag-bigay ng counselling para sa na-bully, nambubully at kanilang mga pamilya.

Related Posts

Kung hindi na estudyante ang biktima ng bullying, maaaring pag-aralan ang pagsampa ng kasong cyberlibel sa mga nagsagawa ng pambu-bully. Sa kasong cyberlibel, pinaparusahan ang paglathala sa publiko (maaaring nakasulat, post sa social media, o sa salita o “slander”) ng mga sadyang malisyosong imputasyon o pahayag na nakakapanira ng puri.

Ang mga elemento ng krimen na ito ay: ang mensahe ay dapat nakapaninirang-puri; ang motibo rito ay malisyoso; ang pagbitaw ng mensahe ay publikong ginawa o inilathala; ang biktima ay pinangalanan o halatang pinatutungkulan.

Dagdag sa mga nabanggit na kriminal na kaso, maaari ring magsampa ng kasong sibil ang taong nakaranas ng pinsala dahil sa paninirang-puri ng iba.

Ayon ito sa Article 33 ng Civil Code na nagsasabing sa mga kaso ng defamation, maaaring magsampa ng hiwalay na kasong sibil para sa danyos na naidulot ng mga nasabing mga kaso. Ang sibil na kaso ay maaaring tumakbo na hiwalay sa anumang kriminal na kaso na isasampa.

Kaugnay nito, sa ilalim ng Article 26 ng ating Civil Code, ang bawat isa ay dapat igalang ang dignidad, personalidad, privacy, at kapayapaan ng isip ng iba, lalo na ng mga kasama nito sa komunidad.

Ang mga sumusunod na gawain ay dahilan para masampahan ng sibil na kaso para sa danyos: pakikialam sa privacy ng ibang bahay; pakikialam o paggambala sa pribadong buhay o ugnayang pamilya ng iba; pang-iintriga sa iba na naging sanhi ng paglayo ng kanyang mga kaibigan; panggugulo o pamamahiya nang dahil sa kanyang relihiyosong paniniwala, katayuan sa lipunan, lugar ng kapanganakan, pisikal na katangian, o iba pang sariling kondisyon.

Inirerekomenda namin na kayo’y komunsulta sa isang abogado para sa mas detalyadong pagsusuri ng inyong sitwasyon, at kung kayo ay nakagdesisyon na ay magsampa ng kaso.

Mga Kakampi, maging maingat tayo sa mga sinasabi natin hindi lamang sa personal kung hindi pati na rin sa internet. Wag natin gamitin ang internet para mam-bully o mang-away ng tao.

-ooo-

Mga Kakampi, kung may gusto kayong malaman tungkol sa batas, bukas po ang FREE LEGAL HELPDESK para sa inyo. Pumunta lang sa facebook.com/cheldiokno at i-click ang “Send Message”. Dahil parating handang tumulong ANG ABOGADO NG MGA DEHADO!

Leave A Reply

Your email address will not be published.