Una sa Balita

Para sa pinakamalayo, pinakamaliit at pinakamahirap

0 504

Halos dalawang oras ang biyahe sa habal-habal na daraan sa matarik at masukal na kagubatan patungong sitio Bugtong Lubi, Brgy. Damutan sa Hinoba-an, Negros ­Occidental.

Bagama’t isang first class municipality, malaki ang problema ng mga komunidad na malayo sa sentro. Walang suplay ng kuryente at tubig-inumin sa sitio, kaya’t maliban sa magbagal ang pag-unlad dito, hirap din ang komunidad pagdating sa kabuhayan at edukasyon. 

Noong 2017 pa nagsi­mula ang mga Angat Buhay projects sa munisipyo ng Hinoba-an.  Sari-saring proyekto ang bitbit ng Angat Buhay team at ni VP Leni Robredo, lalo na sa aspeto ng food security and nutrition at edukasyon doon. 

Sa pamamagitan ng Angat Buhay program, patuloy si VP Leni sa paghatid ng tulong sa ating mga kababayang nasa laylayan. Hindi hadlang ang kawalan ng budget ng Office of the Vice President (OVP) o kalayuan ng isang lugar para sa adbokasiyang naglalayong talunin ang kahirapan.

Sa ilalim ng mga modes of engagement na public education, rural development, food security and nutrition, women empowerment, universal healthcare, at housing and resettlement, matiyagang sinusuyod ng Angat Buhay team ang bansa para isa-isa at unti-unting makapagpabago ng buhay ng ordinaryong PIlipino. 

Isang halimbawa ang mga proyekto natin sa Hinoba-an. Sa kasalukuyan, nakapagdala na tayo ng mga feeding programs para sa mga ina at sanggol, pati   na mga kabataan bilang tugon sa pagtaas ng dami ng mga batang kulang sa timbang. Nagkapagdala na rin tayo ng mga kagamitan tulad ng sewing machines para makatulong sa kabuhayan ng mga kababihan doon.

Higit diyan, malaki ang pagtutok natin sa edukasyon ng mga kabataan dito. Dahil sa kalayuan ng kanilang tinitirhan, maraming pangangailangan ang mga kabataang hindi natutugunan. 

Related Posts

Sa Magsaysay Elementary School, dating sanay ang mga bata na kubo at yero ang kanilang classroom. Maliban sa mainit kapag tag-araw, basa rin sila kung umuulan. Wala ring kuryente doon kaya’t maaga nagsisipagtapos ang eskwela, wala ring tubig—pang-inom man o panghugas. 

Kuwento ni nanay Alma, “Mahirap kasi malayo ang bayan. Mahal pumunta doon, aabutin ng Php1000 ang pamasahe para lang bumili ng pagkain at gamit sa school. Pero kahit marami sa amin ang hindi nakapag-aral, pinipilit namin ang mga anak namin dahil kailangan nila iyon.”

Sa tulong ng iba’t ibang Angat Buhay partners, unti-unti nating nadadalhan ng tulong ang mga batang ito. Wala na ang kubo at yero, napalitan na ng school building na may akmang classroom. 

Mayroon din tayong naitulong na solar kits pati solar-powered electric fans para sa Magsaysay Elementary School. Maliban dito, tatlong taon na tayong dire-diretsong nagbibitbit ng kumpletong school supplies para sa mga estudyante. 

Dahil sa tulong ng Angat Buhay partner na Roxas Foundation, nakabisita tayo nitong nakaraang linggo para magdala ng school supplies. Ito ang pangatlong taon sa limang taon na­ting pledge sa komunidad.

Napakahalaga ng trabaho natin lalo na sa edukasyon ng mga kabataang Pilipino. Dito, nabibigyan natin sila ng pagkakataong palakihin pa ang mga oportunidad na makakapagbigay sa kanila ng magandang buhay. At hindi tayo papapigil—sa kawalan ng budget o kalayuan ng lugar—sa pagtulong para mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga kabataan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy