Una sa Balita

Para sa LRT-2 extension Alternatibong daan sa Marcos Highway

By
0 1,777

Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng alterna­ting road closure scheme sa bahagi ng Marcos Highway para sa patuloy na konstruksyon ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 East Extension Pro­ject.

Ayon kay Jojo Garcia, MMDA acting ge­neral manager, sisimulan na ng kontraktor ng proyekto na DMCI Hol­dings Incorporated ang pagtatayo ng coping beam sa Emerald Station simula ngayong araw na ito (Linggo).

Magkakaroon aniya ng palipat-lipat na pagsasara ng westbound lane at eastbound lane ng Marcos Highway habang ito ay ginagawa.

Ngayong alas-11:00 ng gabi ay unang isasara sa trapiko ang westbound lane at masasakop ang 50-metro ng naturang kalsada.

Kasabay nito ay magpapatupad din ng zipper lane o counterflow scheme sa eastbound lane para naman sa mga maapektuhang sasakyan patungo ng Quezon City.

Sa napagkasunduan sa pagitan ng MMDA at kontraktor ng LRT 2 Extension project, pina­yagan ng ahensya ang paggawa ng kontraktor mula gabi hanggang madaling-araw para hindi masyadong makaabala sa mga motorista at mananakay.

Nabatid sa MMDA, mula Lunes hanggang Huwebes, ang konstruksyon ay magsisimula ng alas-11:00 ng gabi hanggang alas-kuwatro ng madaling-araw; tuwing Biyernes, ay mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-singko ng madaling-araw; tuwing Sabado ay mula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-singko ng madaling-araw at pag Linggo naman ay mula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-kuwatro ng mada­ling-araw.

Inaasahang tatagal ang ganitong traffic scheme hanggang buwan ng Oktubre ng taong kasalukuyan.

Inabisuhan din ni Garcia ang DMCI na makipag-ugnayan sa ahensya kung merong paggalaw o pagbabago sa mga napagkasunduang guidelines.

Magiging magkatuwang ang mga traffic enforcer ng MMDA, DMCI at lokal na pamahalaan ng Marikina, Pasig at Rizal para gabayan ang mga motorista at ayusin ang daloy ng trapiko sa naturang highway.

Ang LRT Line 2 East Extension Project ay ang pagpatatayo ng ­karagdagang dalawang istasyon: ang Emerald Station sa Cainta at Masinag sa Antipolo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More