Una sa Balita

Para nga ba sa bayan?

By
0 261

‘Head-on’ ngayon si Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano sa pakikipagbanggaan sa mga kritiko ng administrasyong Duterte partikular sa usapin ng West Philippine Sea lalo na kung ang paguusapan ay ang ‘joint oil exploration and development’ sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Sa mga nakalipas na araw, nagpalitan sina Cayetano at dating Pa­ngulong Noynoy Aquino ng mga akusasyon at kontra-akusasyon, hanggang humantong ang isa’t isa sa kanilang mga buhok.

***

Ngayon naman, hindi pinalampas ni Cayetano ang tirada at patutsada ni Senador Antonio Trillanes IV sa usapin na walang kakayahan ang gobyernong Duterte na pumasok sa ‘joint exploration and development project’ dahil makalalamang daw ang China kapag natuloy ang kasunduan. Wala raw kapasidad ang Pilipinas sa mga ganitong proyekto.

 
Pinalagan ni Ca­yetano ang akusasyon ni Trillanes na ma­dedehado ang Pilipinas, sabay buwelta na ‘madedehado’ nga ang bansa kung si Sendaor Trillanes ay magiging negosyador ulit.

Noong pinagtiwalaan ni dating Pangulong Aquino si Senador Trillanes bilang negosyador, nagresulta ito sa pagkawala ng kontrol ng Pilipinas sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal, giit ni Cayetano.

Hanggang ngayon, marami pa rin ang naguguluhan kung kaninong interes ba at naganap ang negosasyong ito. Sino ang nakinabang sa mga ‘backdoor negotiation’, Pilipinas ba o ibang bansa tulad ng ­Amerika?

***

Sa katatapos na 51st Asean Summit sa Singapore kung saan dumalo si Cayetano, tinalakay ng mga bansang kasapi sa ASEAN at mga bila­teral partner tulad ng Tsina, Estados Unidos, Japan, Australia, Russia, New Zealand at iba pang miyembro ang usapin ng Declaration of Code of Conduct at Joint Exploration and Cooperation sa South China Sea.

Nagkakaisa ang lahat na dapat manaig ang kapayapaan at pagtutulungan sa rehiyon. Ang anumang kaguluhan ay hindi katanggap-tanggap lalo na sa mga bansang kasapi ng ASEAN.

May maganda ka­yang ‘commitment’ na nakuha si Cayetano sa ‘one-on-one talks’ sa mga ‘head of delegation’ na may kinalaman sa joint exploration hindi lamang sa China, kundi sa iba pang bansa kaya’t inakusahan ng kalihim si Senador Trillanes ng pananabotahe sa nagaganap ngayong pag-uusap?

Ngayong tumaas na naman ang presyo ng produktong petrolyo at ang Pilipinas ay laging ‘hostage’ sa presyuhan sa world market, ang anumang makukuhang langis sa West Philippine Sea na resulta ng joint exploration ay malaking tulong.

Panahon ngayon ng pagtutulungan, tutal ang lahat ng opisyal ng bayan, nasa ehekutibo man o Kongreso ay nanumpa na magsisilbi sa bayan. Bakit hindi sila magkaisa kung para naman sa kapakanan ng mamamayan?