Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Para kanino?

0 97

Ang pinakamadaling sagot sa tanong ay para sa sarili. Siyempre, ang tanong na tinutukoy diyan ay kung para kanino ang desisyon mo kung sino ang iboboto. Lilinawin ko, hindi kung sino ang iboboto, kung hindi sino ang makikinabang kapag ibonoto mo ang napupusuan mong kandidato.

Naging lubhang mapanghati ang kampanyahan sa bayan natin. Marami akong kakilalang hindi na magkaibigan ngayon. Magkakamag-anak na hindi na nagpapansinan. Magkakasama sa trabahong magkakagalit na. Bakit kasi? Dahil sa lahat ng eleksyong naganap sa bansa natin, ngayon lamang umuusok ang bangayan sa social media at minsan, sa personal.

Ngayon lang nagamit nang husto, parehong sa mabuti at maling paraan, ang social media. Umasa tayo sa mga gadget dahil sa pagkakaroon ng pandemya na naglimita sa ating kilos. Kaya ang hindi marating ng katawan, idinadaan sa chat, video call, o kaya pagsagot sa mga status. Lalo’t bahagi ng trabaho at pag-aaral ang internet at mga gadget.

Nadoble halos ang pagkonsumo natin sa social media at hindi napansin ng ilan sa atin, instrumento na pala sila sa mapanghating kampanya. Mabuti sana kung hanggang sa social media lang ang bangayan, may iba na hanggang magkita, hindi na nagpapansinan.

Hindi ko masisisi ang isa’t isa. Bukod sa masasakit na salita, marami ring gawa-gawang balita ang kumalat at pinaniwalaan. Marami nga sa mga ito ang ginagawang batayan sa pagpili ng kandidato. Itatama ng isang kaibigan, maiinsulto sa ginawang pagtatama ang isa, ang resulta? Magkatampuhan, o mas masidhi, magkagalit.

Wala na naman akong magagawa para magpayo pa sa kung ano ang dapat pagnilayan sa pagboto. Masyado nang huli. Tapos na ang kampanyahan, baka nga habang binabasa ninyo ito, may listahan na kayo ng iboboto. O nakaboto na kayo. Sa wala pa, hayan, baka pwede pa ako magpahabol ng tanong: para kanino?

Para kanino ang gagawin mong pagboto? Sino ang makikinabang? Lubhang mababaw kapag sinagot mo na para lang mang-asar. Para patunayang malakas nga ang iyong kandidato. Na tama ka sa pagpili ng kandidato. Dagdagan mo ang dahilan. Iyan bang kandidato mo ang pinaniniwalaan mong makakatugon sa mga suliranin ng lipunan? May sapat ba siyang kakayahan para gawin iyon?

Balikan natin ang tanong na ‘para kanino?’ Kung sasagutin mo lang kasi ng ‘para sa akin’, huwag naman sana. Isipin mo sana na ang boto mo ay makakaapekto rin sa iba. Kung magulang ka, maaaring para sa mga anak mo. Makakapag-aaral ba sila nang maayos? May kakayahan bang ayusin ng kandidato mo ang sektor ng edukasyon? Ang kalinisan at kapayapaan ng bayan, maisasaayos ba? Ang komplikadong usapin ng ekonomiya, maitataguyod ba? Ang paggasta sa buwis, magiging masinop kaya? Dito kasi nakabatay ang mga proyekto ng bayan para maisakatuparan at mapakinabangan.

Hindi lang tungkol sa iyo ang eleksyon na ito. Mas malawak ang sakop nito. Mas marami. Hindi lamang iisang balota ang kakatawanin ng desisyon mo. Kaya pagnilayan mong mabuti:

Para kanino ang boto mo?

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.