Una sa Balita

Para chesser Severino sumulong ng gold medal

By
0 152

HUMAKOT ng anim na medalya ang Philippine Paralympic Committee (PPC) chess squad sa pagwawagi ng tatlong ginto, isang pilak at dalawang tanso sa 3rd Asian Para Games Miyerkoles upang ia­ngat ang 57-katao na Philippine delegation sa iuuwing 5 ginto, 5 pilak at 6 tanso matapos ang limang araw ng torneo sa Jakarta, Indonesia.

Sinabi ni PPC chess head coach James Infiesto na ang tatlong ginto ay nagmula sa men’s standard event, men’s team P1 standard at sa men’s B2-B3 standard.

Sinandigan ng koponan si FIDE Master Sander Severino na inangkin ang kanyang unang Asian Para Games gold medal sa pagwawagi sa individual standard event na sinandigan din ng mga kasamahan na sina Henry Lopez, at Jasper Romer upang pagtulungang masungkit ang ginto sa team event.  

Ang ikatlong ginto ay nakamit nina Arman Subaste, Menandro Redor at Israel Peligro sa B2/B3 category o Blind Men‘s Chess Standard Event.

Kinapos naman si Redor, na siyang pinakamaraming ginto sa ASEAN Para Games, na ibigay ang ikaanim sanang ginto ng Pilipinas matapos itong pumangalawa lamang para sa pilak sa B2/B3 Individual standard event.

Ang dalawang tanso ay nakamit nina Jasper Rom sa P1 Chess Individual standard event at Arman Subaste sa B2/B3 Chess Individual standard event.

Ang PH Para Games Chess team ay kasalukuyan pang sumasabak sa rapid event kung saan inaasahan pa na magagawa nitong madagdagan ang gintong medalya.

Samantala’y muling nagdagdag ang Para swimmer na si Ernie Gawilan ng isa pang pilak mula sa una na nitong sinisid na isang ginto at isang pilak sa unang araw ng kompetisyon matapos na pumangalawa sa men’s 100m freestyle S7.

Napunta ang ginto kay Wei Soong Toh ng Singapore sa oras na 01:03.16 na sinundan ni Gawilan sa kanyang oras na 01:06.74. Ikatlo si Donggu Lee ng Republic of Korea sa oras na 1:11.87 para sa tanso.

Nag-ambag din si Gary Bejino ng isa pang tanso sa pagtatapos sa ikatlo sa Men’s 100M Freestyle S6.