Una sa Balita

Papaano naman ang mga ‘putok’ rider?

0 359

Dahil sa patakaran na ipinatupad ng isang motorcycle ride-hailing service na bawal ang mga pasaherong tabatchoy, humirit ang mga tsokaran natin na papaano naman daw ang mga rider na salaula at may putok?

Kung tutuusin, may katwiran naman ang dahilan ng kompanya ng motorcycle ride-hailing service na tanungin ang timbang ng pasaherong sasakay sa kanilang rider partner dahil usapin ng kaligtasan ang nakataya. Mahirap nga naman na sobrang bigat ang sakay sa motorsiklo dahil baka sila madisgrasya.

Pero dapat turuan nang mabuti ang mga rider partner nila kung papaano ang tamang paraan ng pagtanggi sa mabibigat na pasahero. Ngayon pa lang kasi, may mga isyu na ginagawang katatawanan ng ilang rider ang mga matataba habang pinag-uusapan pa lang ang naturang patakaran.

Bukod doon, dapat ding tiyakin ng ­kompanya na ang mabigat na timbang ang talagang dahilan ng rider kaya niya tatanggihan ang pasahero at hindi dahil sa hindi niya ito type na isakay, o ika nga eh nagkakaroon na ng diskriminasyon.

At ngayon na magiging tatlo na mula sa dating isa lang ang kompanya o player sa motorcycle ride-hailing service, may mga tsokaran tayo na nagtatanong kung ­nasala bang mabuti ang mga rider. Bukod daw kasi sa isyu ng kaligtasan ng mga pasahero, dapat din daw isaalang-alang ang hygiene o kalinisan sa katawan ng mga rider.

Reklamo nila, bukod sa may mga rider na halimaw sa daan kung umarangkada, mayroon pang mabantot ang ipinagagamit na helmet, at ang pinakamatindi ay may putok ang iba. Hindi naman daw sila nag-iinarte pero malaking parusa nga naman ang putok na parang nanununtok habang bumibiyahe. ­Papaano kung sobra ang lakas ng putok ng rider, baka mawalan ng malay ang pasahero niya at mahulog mula sa motorsiklo.

Sa Jakarta, Indonesia nga, nagpatupad pa noon ang kanilang motorcycle ride-hailing service ng body odor test sa mga rider na aplikante. Ang ginawa nila, dinala nila sa basement ng opisina ang mga aplikante at hinintay na pagpawisan. Nang pawisan na, doon na sini­mulan ang pag-amoy para malaman kung sino sa mga ito ang madaling mag-amoy pawis, at kung sino ang may amoy putok. Kapag may kasamang putok ang amoy, bagsak na ang aplikante.

Simple lang ang paliwanag ng kompanya sa pagpapatupad ng natu­rang body odor test–para sa kapakanan ng kanilang mga kliyente. Mantakin mo kung may putok ang rider, tiyak na manga­ngamba ang pasahero na baka ‘magkabaktol’ siya dahil nga “backride” siya.

Ngunit maliban sa amoy putok, isyu rin ang mabantot na helmet na ipinagagamit sa mga pa­sahero. Hindi ba’t minsan nang nagreklamo tungkol sa mabahong helmet ang host ng “Wowowin” na si Hipon Girl Herlene. Kahit pa sabihin na may hairnet na ipapagamit sa pasahero, malamang na hindi pa rin magiging panatag ang loob ng pasahero na magsaklob sa ulo ng mabahong helmet.

May gamit ba ang mga rider kahit man lang alcohol na puwede nilang i-spray sa helmet pagkatapos gamitin ng pasahero para kahit papaano eh “malini­san” na ito bago isuot ng susunod na pasahero?

Dahil hindi naman maiiwasan na sadyang ­pagpawisan ang mga ­rider dahil maghapon sila sa kalye, dapat sigurong magkaroon ng limitasyon ang mga kompanya kung ilang oras lang dapat sa biyahe ang rider lalo na oras na matindi ang sikat ng araw.

Bukod doon, dapat din turuan ang mga rider kung papaano ang ­tamang paglilinis ng helmet, bigyan sila ng dagdag na uniporme para hindi sila paulit-ulit ng suot, o kaya ay may pamalit sila kapag basa na ng pawis, at bigyan sila ng budget na pambili ng alcohol spray at supply ng pangontra sa putok o kaya eh pabango.

Maglagay din sila ng hotline kung saan maire­reklamo ang mga rider na salaula at may amoy para malaman nila kung sino ang mga ito ang hindi sumusunod sa patakaran ng kalinisan sa katawan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More