Una sa Balita

Paolo, Christian, Martin todo paganda, landi sa ‘Panti’

0 297

Nagsama nga sa unang pagkakataon sina Martin Del Rosario, Christian Bables at Paolo Ballesteros sa “The Panti Sisters” ng The IdeaFirst Company.

Si Direk Jun Robles Lana nga ang nakaisip na pagsamahin ang tatlo sa may “pinakamagagandang” mukha sa big screen, para ilahad ang nakakatuwang kuwento tungkol sa pamilya.

Nakatrabaho na nga ni Direk Jun sina Martin sa “Born Beautiful”, at Christian at Paolo sa “Die Beautiful”.

Sa pelikula, makikilala ng mga manonood sina Daniel (Martin), Samuel (Christian), at Gabriel (Paolo) na puro mga bading. Pero, magbabago ang lahat dahil sa kanilang ama (John Arcilla) na may malubhang karamdaman, na nag-alok sa kanila ng milyones kung magkakaroon sila ng anak.

Kahit matagal nang watak-watak ang pamilyang Panti, magsasama-sama ang tatlo sa iisang mansion habang hinaharap ang pagsubok sa pagpapalaganap ng pangalang Panti.

Isang nakakatawang kuwento ang “The Panti Sisters” tungkol sa pagtanggap, pagrespeto at pagmamahal sa sarili mong pagkatao kahit ano pang kulay ng PANTI ang suot mo.

Pero, marami nga ang naaliw sa tatlo dahil todo paganda, at landi nga sila sa harap ng kamera, ha! (Dondon Sermino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy