Una sa Balita

Panukalang 2019 budget ‘wag pagtibayin

0 434

Huwag nang pagtibayin pa ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang 2019 pambansang budget.

Ito ay upang matapos na ang batuhan ng mga alegasyon ng umano’y pagsingit at paglipat ng proyekto sa ilalim ng panukala.

Natuklasan kasi ng Senado na kinalikot pa ng mga kongresista ang panukalang budget na pinagtibay na sa bicameral conference committee at niratipika na ng dalawang kapulungan.

Inamin naman ng Kamara na kanilang kinalikot ang panukalang budget at ito ay ginawang itemize lang upang maidetalye ang nasabing pondo para sa mga proyekto.

Legal daw at naaa­yon sa konstitusyon ang ginawang pag-itemize ng mga kongresista sa panukalang budget.

Pero ayon kay Se­nate President Vicente Sotto III, ang gina­wang pagkalikot ng mga kongresista ay ang paglipat o realignment sa budget.

Aba’y ibang usapan na ito at sobrang kakapalan na ng mukha ng mga kongresita at kagahaman kung ating paniniwalaan ang mga senador.

Sinabi ni SP Sotto na ang pondo ng DPWH ay inilipat ng House of Representatives sa mga distrito ng mga kongresista na isang malinaw na paglabag sa batas dahil ratipikado na ang panukalang budget.

Sa puntong ito ay mas pinaniniwalaan ko ang bersiyon ng Senado at marahil ay nais ng mga kongresista na makakuha talaga ng mas mala­king pondo sa proyekto sa distrito dahil marami dito ang reelectionist o ang iba naman ay graduating na, tapos na ang termino.

Ito ang posibilidad na motibo kung bakit inilipat sa distrito ang pondo ng DPWH na talaga namang matagal na ang ganitong imahe ng maraming kongresista.

Alam naman ng lahat na may pakinabang ang mga kongresista kung sila ang nagsulong ng proyekto tulad ng pogi points sa botante at higit sa lahat ay ang umano’y ‘SOP’ sa proyekto kung kaya’t hindi na dapat pang pagtibayin ang panukalang 2019 pambansang budget para matapos na ang kontrobersiya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy