Una sa Balita

Panibagong pag-atake ng NPA kinondena ng Malacañang

0 405

KINONDENA ng Malacañang ang ginawang pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa Borongan City, Eastern Samar na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao at pagkasugat ng limang iba pa kabilang na ang tatlong bata.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar na hindi katanggap-tanggap ang ginawang karahasan ng mga rebelde sa mga biktima dahil inatake pati ang mga inosenteng sibilyan.

Mahirap aniyang isipin ang nararamdaman ngayon ng pamilya ng mga nasawi dahil magpa-Pasko nang hindi na nila kasama ang mahal sa buhay.

“We vehemently condemn the NPA attack in Brgy. Libuton which left two dead and wounded several individuals, including three children and policemen.

The loss of life and the violence experienced by the victims are reprehensible,” ani Andanar.

Ipinaabot ng kalihim ang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi, kabilang na rito ang isang pulis.

Ang mga biktima kabilang na ang ilang batang galing umano sa Christmas party ay sakay ng patrol car nang madaanan ang landmine na itinanim ng mga rebelde sa Brgy. Libuton.

Pinapurihan naman ni Andanar ang mga pulis, emergency personnel pati na ang mga sibilyan na tumulong at nagbigay ng proteksiyon sa mga biktima sa abot ng kanilang makakaya.
Bilang chief ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi ni Andanar na magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa mga lokal na opisyal at civil society group para maipaabot ang hangarin ng gobyerno na matuldukan ang problema sa armadong pakikibaka.

Tinitiyak ng kalihim na magpapatuloy ang gobyerno sa paglaban sa terorismo at insureksiyon para sa kaligtasan ng lahat ng mga Pilipino at para makamit ang ganap na kapayapaan sa bansa.

“Rest assured, this administration will continue its fight against terrorism and insurgency for the safety and security of all Filipinos, and in order to achieve true and lasting peace for the country,” dagdag pa ni Andanar. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More