Una sa Balita

Pangunahing programa sa #GoodbyeGutom aprub sa Gabinete!

0 647

Malugod nating ipinababatid sa lahat na ang pangunahing programa sa #GoodbyeGutom ng gobyerno na ating iprinesenta sa Cabinet Meeting sa Malacañang nitong Biyernes ay aprubado na ng mga miyembro ng Gabinete.

Ikinatuwa ng inyong Kalihim ang pagkaka-apruba ng pangunahing programa ng pamahalaan kontra sa paglaganap ng gutom sa bansa matapos ang mahabang deliberasyon para maisapinal ang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) at maisumite ito sa ­Human Development and Po­verty Reduction Cabinet Cluster (HDPRCC).

Napapanahon ang pagkaka-apruba ng Gabinete sa pangunahing programa sa #GoodbyeGutom dahil sa ginugunita natin tuwing ika-16 ng Oktubre ang World Food Day na naglalayong mapawi ang gutom sa buong mundo. Ayon sa United Nations Development Programme (UNDP), ang extreme hunger at malnutrition ay nananatiling malalaking isyu sa buong mundo sapagkat base sa pinakahuling datos, nasa 815 mil­yong katao sa buong mundo ang nagdudusa sa gutom.

Sa ating bansa, ang gutom ay isa pa rin sa malalaking isyu. Batay sa datos ng pamahalaan, noong 2018 ay umabot sa 2.4 milyong pamilya ang nakaranas ng bahagya hanggang sukdulang gutom, 13.7 milyong mga bata ang undernourished at sa ikalimang bahagi ng ­kabuuang bilang ng mga batang Pilipinong mas bata sa limang ­taong gulang ay kulang sa timbang.

Matatandaan na masusing tinalakay ng mga kinatawan ng magkakatuwang na ahensya sa pangunguna ng inyong Kalihim ang mga inisyatibong nakapailalim sa programa at mga kaugnay na aktibidad sa institusyunalisasyon nito. Ang mga kasaping ahensiya ng HDPRCC ay kinabibilangan ng DSWD, DAR, DA, DOH, DTI, DILG, NNC, BJMP at Land Bank of the Philippines. Nagpaha­yag na rin ang TESDA at PopCom na sila’y sasali at makikiisa sa pagpapatupad ng naturang programa.

Sa tulong ng mga nabanggit na ahensya na nagkaisa para sa agarang pagpapatupad ng programa upang supilin ang kagutuman sa bansa sa taong 2030, ay mabilis at maayos na­ting naisapinal ang programa at matagumpay na nakuha ang pagsang-ayon ng Gabinete.

Prayoridad sa ilalim ng Enhanced PAHP ang mga probisyon ukol sa institutional ­feeding program, credit support para sa mga community-based organization, pagsasanay para sa mga community-based organization, pagtuturo ng nutrition education, pagpapatayo ng mga pasilidad pang-agrikultura at teknolohiya, mga food hub at iba pang pasilidad, paglalaan ng pondo, tulong teknikal at pananaliksik mula sa mga pribadong katuwang at probisyon para sa adbokasiya at edukasyon.

Nais ng pamahalaan na mabawasan ng 25% ang kagutuman sa bansa sa loob ng dalawa at kalahating taon simula ng inilabas ang executive order upang likhain ang task force. Nilalayon din ng EO na maibsan ang hunger incidence ng hanggang 75% sa loob ng pito at kalahating taon.

Dahil sa pagkaka-apruba ng pangunahing programa sa #GoodbyeGutom, inaasahan natin na kasunod na ring malalagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) upang agad masimulan ang pagpapatupad nito sa 32 priority provinces para tuluyan nang masugpo ang kagutumang nambibiktima sa mga napag-iiwanang sektor ng lipunan sa bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy