Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pangulong handang ‘magdusa’

0 170

Malayo pa man ang 2022 presidential elections mga tropapips, may kani-kanilang diga na ang ilang mga tagasuporta ng mga posibleng kumandidato para pumalit sa puwestong iiwan ni President Mayor Digong Duterte.

Hirit ng kurimaw natin na tinabangan na sa pagboto, tila angat raw ang bandera ng kababaihan sa pormahan sa mga posibleng tumakbong pangulo sa 2022 dahil tatlo na agad ang pangalan ng babaeng napag-uusapan.

Una diyan si Vice President Leni Robredo na malamang na maging pambato ng oposisyon; si Davao City Mayor at presidential daugther Sara Duterte, na siyempre para sa administrasyon; at si Senadora Grace Poe, na puwedeng ikonsiderang nasa “gitna.”

Wala pa naman sa kanilang tatlo mga tropapips ang nagsasabing gusto nilang tumakbong pangulo sa 2022. Ang sinasabi nga nila eh dapat matutukan na muna at tapusin ang problema sa COVID-19 pandemic… na dapat lang naman.

Ang mga tagasuporta lang naman nila ang maingay para matandaan ng mga tao ang pangalan ng kanilang mga “manok” sakaling magkaroon ng panibagong survey sa mga posibleng maging “presidentiable.”

Mahirap kasi mga tropapips kapag ang survey eh “top of the mind” o iyong nasa isip na mismo ng tao kapag tinanong. Ibig sabihin, hindi manggagaling sa listahan ng nag-survey ang pangalan ng kandidato. Kung hindi mag-iingay ang kanilang mga tagasuporta, baka hindi malaman ng tao na posibleng maging kandidato ang manok nila.

Iyon nga lang, tila hindi magiging madali ang trabaho ng papalit kay President Mayor Digong dahil sa dami ng problema ng bansa dulot ng COVID pandemic.

Sabi nga ni Senador Ping Lacson, na nakakasama rin sa survey ang pangalan ng maaaring maging kandidatong pangulo: “Apply now, suffer later,” ang susunod na uupo sa Malacanang dahil sa dami ng problema ng bansa.

Related Posts

Kabilang diyan ang pandemic pa rin, ang West Philippine Sea [na puwedeng pagmulan ng gulo], pagbangon ng nakasadsad na ekonomiya, 17.7% unemployment rate, 30.7% hunger rate, P12 trillion na national debt, mababang koleksiyon sa buwis, katiwalian, krimen at iba pa.

Sa dami nga naman ng problema mga tropapips, aba’y kailangang handa talaga at may nakalatag na plano ang susunod na pangulo kung papaano niya tutugunan ang mga binanggit na problema sa loob ng anim na taon niyang termino.

Sa nakalipas na dalawang administrasyon mga tropapips, maituturing na mga “accidental” president sina dating Pangulong Noynoy Aquino at maging si President Mayor Digong.

Pareho silang wala sa radar ng mga kakandidatong pangulo at humabol na lang sa paghahain ng kanilang kandidatura bilang pangulo–at parehong nanalo. Samantalang ang mga nauna sa kanila na pumorma at naghanda sa pagtakbo, mga natalo.

Kaya nga marami ang naniniwala mga tropapips na “destiny” talaga ang posisyon ng pangulo. Kusang darating kung talagang para sa iyo. Ngunit dahil nga sangkatutak ang problema natin ngayon, hirit ng kurimaw natin, mas makabubuti kung ang susunod na pangulo eh talagang handa at hindi basta “pinilit.”

Para kung ano nga naman ang mangyari, walang sisihan pagdating sa huli. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.