Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pangulong Duterte umiral pagiging ama, kapatid, asawa sa tigil e-sabong

0 145

NAGPAPASALAMAT ako kay Presidente Duterte dahil ipinag-utos na niya ang pagpapatigil sa e-sabong ngayong Mayo.

Sa desisyong ito, lumutang ang pagiging ama, kapatid, asawa, at anak ni Presidente Duterte na kung saan ay gagawin ang lahat maitaguyod lamang ang kapakanan at matiyak ang kaligtasan at kinabukasan ng mga mahal sa buhay.

At bilang “ama” ng buong bansa, alam kong layunin at ginagawa niyang itaguyod ang kapakanan ng mga Pilipino at sigurado akong nasasakatan din siya sa pagdadalamhati ng mga pamilya ng 34 kataong nawawala o dinukot dahil umano sa dayaan sa e-sabong na ang tawag ay paniniyope at cloning.

Kaya walang akong pagdududa sa sarili ko na ang pagmamahal sa bawat pamilyang Pilipino ang isa sa mga pangunahin dahilan kaya nagpasya ang ating Pangulo na itigil na ang e-sabong.

Kung matatandaan n’yo, sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na ako ang chairman tungkol sa 34 kataong nawawala, naglabas kaming mga senador ng isang Senate resolution na nagsasabi na kailangang itigil ang e-sabong, o online cockfighting, hanggat hindi nabibigyan ng linaw o nalulutas ang mga kaso.

Noong ikalawang araw ng Mayo, inanunsiyo ni President Duterte ang kanyang order na itigil na ang e-sabong.

Ang sabi ng Pangulo: “’Yung amin naman sana, buwis lang ang hinabol namin dito, sinabi ko na sa inyo 640 million (pesos monthly). But may naririnig na ako, loud enough, loud and very clear to me that it was working against the… our values and ‘yung impact sa pamilya pati sa tao.”

Ito mismo ‘yung sinabi ni Presidente Duterte, sa kanyang “Talk to the People” program na inere ang tape noong Martes, May 3.

Kung tutuusin, malaki ang naiaambag ng e-sabong sa kaban ng bayan, pero para kay Pangulong Duterte, sa palagay ko, hindi bale nang mawala ‘yan kung sisirain naman nitong e-sabong ang mga pamilyang Pilipino.

Sabi niya, ang kanyang order na ipatigil ang e-sabong ay base sa recommendation ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.

Palagi kong sinasabi na kapag hindi natigil ang e-sabong, baka marami pang pamilya ang masisira.

Ang pinagbabasehan ko ng aking pananaw ay ‘yung mga nangyari, halimbawa, may nagnakaw at nangholdap dahil lulong sa e-sabong, nagkakasanla-sanla ang kabuhayan ng pamilya at pati ipon nasimot, at nakadispalko ng pera. May nagbenta pa nga ng sariling anak!

At ang pinakamatindi dito, baka madagdagan pa ‘yung 34 na nawawala na hindi naman talaga lahat ay sabungero dahil mayroong nagmaneho lang at naghatid sa sabungan at mayroon ding sumama lang sa sabungan at hindi naman talaga mananaya.

Isa pang nakakalungkot na natuklasan namin sa aming imbestigasyon ay pati mga menor de edad ay malayang nakakataya sa e-sabong na 24-oras ang operasyon. Pati noong nagdaang Biyernes Santo ay may mga sultada pa nga eh.

Tama si Presidente Duterte na nasisira ang values ng mga Pilipino kaya kahit na malaki ang naiaakyat na pera sa gobyerno ay kailangang itigil na ang e-sabong.

Malinaw sa panig ng Senado, hindi nagkamali ang 24 na senador sa aming resolusyon na hikayatin ang PAGCOR na itigil ang operasyon ng e-sabong.

Natapos na rin namin ang Senate Investigation makaraan ang apat na public hearings ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs at kasalukuyan naming ginagawa ang pagpapapirma ng committee report sa mga senador na myembro ng ating komite.

Ipinangangako ko sa ating mga kababayan na ang lalabas na committee report ay naglalaman ng mga panukala para mas mahigpit na maproteksyunan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga bata, laban sa masamang epekto ng e-sabong at laban sa iba pang mapanirang sugal.

Sa ngayon, patuloy tayong magdasal para malutas ang kaso ng 34 na nawawala at mapanagot ang mga may kagagawan.

Sa pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng PNP-CIDG, NBI, at DOJ, isama na rin d’yan ang aking tanggapan, naniniwala ako na makakamtan ng mga biktima at ng kanilang mga pamilya ang katarungan.

Itaga mo sa bato!

Leave A Reply

Your email address will not be published.