Una sa Balita

Pangulong Duterte, inisnab ng labor group

By
0 128

Tablado ang imbitasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa grupo ng mga manggagawa sa mismong araw ng Labor Day sa May 1.

Ayon sa grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), wala silang nakikitang katuturan ang imbitasyon sa kanila ni Pangulong Duterte sa isang pagtitipon sa Davao City kasama ang iba’t ibang sektor at grupo.

Iginiit ni Leody de Guzman, pangulo ng BMP, siguradong magsasaboy lamang ng mabubulaklak na pangako si Duterte at siguradong mawawala ang tunay na agenda na dapat ay pag-usapan ang krisis na nararanasan ng mga manggagawa at kung papaano iaangat ang dignidad ng paggawa sa bansa.

Abante Hiring – IT dep

“Hindi bahagi ng programa ang mga lider-manggagawa, gagawin lamang kaming palamuti at hindi bibigyan ng pagkakataong ihapag ang aming saloobin sa mga isyu gaya ng kontraktuwalisasyon, mababang pasahod at malawakang kawalan ng hanapbuhay. Kahit open forum, wala,” giit ni de Guzman.

Kabilang ang BMP sa pindalhan ng imbitasyon ni Pangulong Duterte para maging saksi sa iaanunsiyo umano nitong ‘sorpresa’ para sa mga manggagawa sa Mayo 1.

“Paano kami gaganahan dumalo kung ang mismong pangako nito ay wala pa ring katuparan. Ang kailangan namin at kanyang pinangako sa manggagawa ay ang pagwawakas sa lahat ng tipo ng kontraktuwalisasyon at hindi ang paliwanag kung bakit hindi niya ito tinupad,” dagdag pa ng grupo.