Una sa Balita

Pangontra kay Boy Bastos

0 337

Noong 2007, kung kailan nagsisimula nang umarangkada ang mundo ng internet, isang Pinoy website na nagpapakita raw ng kalaswaan ang ipinasara dahil punong-puno raw ng kabastusan. Ang pangalan ng website—‘Boy Bastos’.

Maganda ang layunin sa pagpapa­sara ng website na umabot pa nga sa korte ang usapan; ang maprotektahan ang moralidad at kainosentehan ng mga Pinoy, lalo na ang kabataan. Aba’y hindi nga naman natin gustong mamulat nang maaga sa kamunduhan ang kabataan. Katunayan, dalawang sikat na porn site pa nga ang nadagdag sa listahan na ‘ban’ at hindi basta-basta mabubuksan dito sa atin sa Pilipinas kung hindi ka ‘techie’.

Kaya lang, kahit anong paghihigpit yata ng mga manang at manong natin para hindi makapanood ng kabastusan ang kabataan sa internet, eh sadyang mahirap gawin. Dahil sa smart phone, madali na kasing kumuha ngayon ng mga larawan at video [tulad ng pamboboso], at nagagawa nang i-upload sa social media, na puwedeng makita ng iba.

Kahit nga ang mga website na sobrang higpit na ang pagbabantay laban sa mga malalaswang video at larawan eh nalulusutan pa. Huwag na lang natin sabihin dito kung papaano at baka lalo pang dumami ang kampon ni Boy Bastos.

Related Posts

Kung dati eh mga tabloid na nagpapakita ng sexy na larawan ng mga bebot ang sinisisi sa pagdami ng kabataang nabubuntis, nasasangkot sa rape, at pagdami ng HIV/AIDS cases, ngayon, ang internet [pati social media] na. May kabataan na hinahalay ng kanilang ka-chatmate sa tulong ng alak [ kaya nauso ang sikat na babala basta may alak may balak]. Bukod doon, madali na rin daw makahanap ngayon ng kaulayaw sa mga private chat group.

Pero kahit maraming taon nang wala si “Boy Bastos,” mukhang marami alagad niya ang natira. Bakit ka ninyo, aba’y nadagdagan pa ang batas na pantapat sa kanila. Bukod kasi sa mga batas laban sa rape, acts of lasciviousness, at anti-sexual harassment, ngayon ay mayroon pang Republic Act 11313 o Safe Spaces Act, na mas kilala sa tawag na, “Bawal Bastos” law.

Kahit mukha mang doble-doble na ang mga batas na pangontra sa mga alagad ni Boy Bastos, mas maganda kung maibabalita ang mga masasampolan para magdalawang-isip na gumawa ng kalokohan ang mga kalahi nilang hindi makapagpigil. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy