Una sa Balita

Pangakong langit, ‘yun pala’y impiyerno

By
0 618

Ngayong nalalapit na ang eleksiyon, kaliwa’t kanan na ang naglalabasang balita mula sa mga ‘political machine’ ng mga politiko na nangangako ng magandang buhay para sa mga tao. Kaya lang pangako na la­ging napapako at hindi nagkakatotoo.

Mag-ingat sa mga politikong ito, ipinapangako ang langit, subalit isasadlak ang mga tao sa ‘impyerno.’
Kadalasan ang mga pangakong ito ay puro lamang pampa-gwapo. Gumagamit ng mamahaling ‘cosmetics’ para pogi sa mga tao pero ang perang ginamit mula sa pondo ng publiko.

Biglang may naiisip na panukalang batas, haharap sa media at magpapainterbyu at sa pagpapaliwanag ang panukala tila magkakatotoo.

Ang sarap pakinggan, ang sarap basahin ng panukalang batas ng mga politikong ito. Palibahasa magaga­ling magtalumpati at may makinarya para linla­ngin, este para maiparating sa publiko (botante) ang programa, ‘front page’ sa diyaryo ang pagmumukha ng politiko.

Nakakadismaya ang mga ‘tradisyunal na politiko.’ Kahit bagong usbong pa lang sa politika walang pinagkaiba sa matatandang politiko.

“Millennial” nga, pero ang estilo sa pagkuha ng ‘boto’, style pa rin ng kanilang Lolo.
***
Pag-ingatan ang mga politikong pinapatulan ang lahat ng isyu. Biglang naging ‘Boy Henyo’ at aktibo sa serbisyo publiko. Sigurado isa lang ang gusto, maiboto ng mga tao.

Nakapanglulumo ang mga ganitong tao, sagad sa buto ang pagiging ‘hunyango’. Ang mga politikong ito, sa Kamara man o Senado, gagawin ang lahat para manalo at malagay sa puwesto.

May komite na sa Kongreso, may ‘pork barrel’ pa para sa kanilang ‘distrito’ o teritoryo.

Ikaw na ang manalo, tatlong taon sa Kamara, anim na taon sa Senado. Hindi dapat magtaka kung bakit maraming politiko ang kapit-tuko sa puwesto.

Sa kanilang lugar o distrito hawak nila ang negosyo, pati pondo sa mga proyekto ng gobyerno, sumasawsaw ang mga naghaharing politiko.
***
Asahan sa mga susunod na araw, iigting pa ang mga magagandang balita, murang pabahay, libreng edukasyon, libreng pagpapa-ospital, libreng gamot, mataas na suweldo, murang bilihin at kung ano-ano pero ang lahat ng ito ay mula sa mga ambisyosong-politiko.