Una sa Balita

Pangakong ginhawa, napako

By
0 220

Ramdam ng lahat na patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Samantala, hindi pa rin sumasapat ang ginagawang aksyon ng gobyerno para maibaba ito. Kung mayroon man silang ginagawa ay band aid solution lang tulad na lamang ng planong pag-aangkat ng galunggong para bumaba daw ang presyo nito sa mga palengke. May pangamba na ang mga galunggong na aangkatin ay galing din naman sa West Philippine Sea kung saan ilegal na nangingisda ang mga taga-China at Vietnam.

Hindi lang naman ang galunggong ang tumaas ang presyo sa mga palengke kundi sa lahat ng mga pagkain lalo na ang gulay na dumoble ang itinaas ng presyo simula noong Disyembre 2017. Kaya ganun na lamang ang reklamo ng publiko dahil kulang na kulang na ang kakarampot nilang suweldo.

May mga kababayan tayo partikular na ang mga minimum wage earners na nagbabudget ng P200 kada araw para sa kanilang pagkain buong maghapon bago nagsipagtaasan ang presyo ng mga bilihin. Dahil sa TRAIN, ang halagang ito ay para na lang sa isang kainan at kulang pa dahil talagang mataas na ang presyo ng mga bilihin.

Nagtatakda din ang Department of Agriculture ng suggested retail price (SRP) sa ilang produktong agrikultural ngunit hindi naman ito striktong sinusunod sa palengke. Ang katwiran naman ng mga tindero at tindera ay malulugi naman sila dahil binibili nila sa middlemen ang mga produkto ng mas mataas sa itinakdang SRP.

Ang masakit nito, ang mga pribadong grupo pa ang nakakatuklas na hindi sinusunod ang SRP at hindi ang gobyerno. Talagang hindi maiiwasang isipin na kulang ang atensyon at aksyon ng gobyerno sa nangyayari krisis na ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kung talagang may malasakit ang gobyernong ito lalo na si Pangulong Rodrigo Duterte sa taumbayan na pinangakuan niya ng maayos na buhay noong nakaraang eleksyon, dapat lang na aksyunan ang inflation sa lalong madaling panahon bago pa man magdildil ng asin ang ating mga kababayan. Subalit sa ngayon, tila nagbibingi-bingihan siya sa panaghoy ng mga mamamayan lalo na ang poorest of the poor na hirap na hirap na sa pang-araw-araw nilang buhay.

Napakadaling makita na ang pangunahing dahilan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay pang pagpapatupad ng TRAIN. Hangga’t nagbibingi-bingihan si Duterte ay lalong mababaon sa hirap ang mga taong umasa sa kanyang pangako. Imbes na tuparin ay lalong pinahirap pa niya ang kanilang buhay dahil sa bagong sistema ng pagbubuwis na ito.