Una sa Balita

Pangako

By ,
0 781

Mabentang-mabenta na naman ang salitang pangako ngayong panahong ito. Kaliwa’t kanan ang mangangakong kandidato tungkol sa kung ano-anong, kung tutuusin, dati na ring pangakong napako.

Dahil kung natupad ang pangako ng ka­ginhawahan, bakit marami pa ring nagsasabing iaangat niya ang buhay ng mahihirap? Dahil kung natupad ang pangakong kapayapaan at kaligtasan, bakit may nangangako pa rin ng katahimikan at kapayapaan?

Dahil kung natupad ang pangakong walang magugutom, bakit marami pa rin ngayon? Maraming trabaho? Libreng pag-aaral? Maa­yos na imprastraktura? Lahat iyan naipangako na at patuloy pa ring ipapangako.

Ang masakit, patuloy pa ring paniniwalaan ang mga pangako hanggang sa susunod pa uling­ eleksyon. Ang mas masakit, ang nangangako ngayon ay iyong mga nangako rin dati, kung hindi man ay kanilang lahi, na nangakong tutugunan ang mga suliranin ng bayan. Ang pinakamasakit, wala pa rin tayong kadala-dala, patuloy na nahuhulog sa pangakong napapako. Bakit ba kasi napapako? Ano ang ibig sabihin ng napapako? Ibig sabihin lang, hindi gumagalaw ang pangako. Parang ipinako.

Samantala, magandang alamin ang pinagmulan ng salitang pa­ngako. Dalawang matibay na diksyonaryo ang hinanapan ko ng kahulugan: Diksyunaryo-Tesauro ni Jose Villa Panganiban at ang UP Diksiyonaryong Filipino. Ang malungkot, walang masyadong nasabi ang dalawang batayang teksto hinggil sa tunay na kahulugan, ang literal na kahulugan ng salitang ‘pangako’.

Binigyan lang ng pagtutulad. Pangako bilang kasingkahulugan ng promise. O pangako bilang kasingkahulugan ng ‘pahayag na tumitiyak sa pagtupad o hindi pagtupad sa isang bagay’. Pwede ring pa­nata, debosyon, sumpa.Pangako.

Sabi ng UP Diksiyonaryong Filipino, ang salita ay buhat sa pinagsamang unla­ping ‘pang’ at panghalip na ‘ako’. Pang+ako. Magandang dito suriin ang salitang pangako. Mula sa mga salitang ‘pang’ at ‘ako’. Pang-sarili, pang-ako. Ito kasi ang ubod ng salitang pangako. Kapag kasi nangangako, ibinibigay natin ang ating sarili hinggil sa kung anumang pangako ang nais nating gawin. Pa­ngakong magbabayad ng utang, pangakong hindi na liliban sa trabaho, pangakong hindi na iinom o maninigarilyo.

Taya ang sarili sa pa­ngako. Hindi lamang ito salita. Dignidad. Hindi lamang ito simpleng pagsasabing gagawin nga ang isang bagay. Taya ang sarili na kapag hindi natupad ang pangako, dapat nang baguhin ang pagkilala.

Tatawagin natin silang walang isang salita. Hindi tumutupad. Huwag paniwalaan. Hindi dapat pagkatiwaan. Kung kaya naman ang mga nangangako ay dapat nang mahiya. Sumira sila sa pangako. Ganun sana dapat. Pero hindi.

Tuwing panahon ng kampanyahan, napa­kadali nang mangako. Sa dami ng pangako—sa pamamagitan ng plataporma de-gobyerno—hindi na natin matandaan ang ipinangako. Mayroon din namang wala nang panga-pangako. Deretsuhan na sa pagkaway, pagpapa-cute, pagalingan sa pagkanta o pagsayaw.

Bakit pa nga naman magbibitaw ng pa­ngako kung hindi rin lang tutuparin? Minsan, masaya na tayong mabigyan ng kamiseta, alak, bola ng basketball tuwing kampanya.

Iboboto pa rin ng karamihan sa atin ang kandidato kahit hindi tumutupad sa pangako. Wala nang halaga ang salita. Wala na ring halaga ang talino o dignidad. Ang nala­labi na lamang ay hitsura, kwela sa kampanya, umaastang matapang, o kandidatong puro pagpapaganda o pagpapagwapo lang.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy