Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pangako ni Digong sa PDP: ‘Sako-sakong pera sa kampanya’

0 628

Para masigurong mananalo lahat at walang uuwing luhaan sa mga kandidato ng Partido Demokrationg Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-Laban), nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na magdadala siya ng sako-sakong pera para suportahan ang mga ito sa kanilang kampanya sa idaraos na eleksiyon sa 2022.

Bagama’t may himig ng pagbibiro ang Pangulo nang ihayag niya ito sa national assembly ng PDP-Laban noong Sabado, tiniyak naman niya na itotodo niya ang suporta sa mga kandidato ng kanilang partido na tatakbo sa iba’t ibang posisyon.

Dagdag ng pangulo, sasama siya sa kampanya ng mga ito sa bawat lungsod at probinsya sa bansa para tulungan silang ligawan ang mga botante kapalit ng pangako ng tunay na serbisyo sa tao at sa bayan.

“I commit to you. Sasama ako sa inyo, city to city, province to province. At saka magdala ako ng maraming pera. Sako kung mayroon,” dagdag ng pangulo.

Hindi na nagdetalye ang pangulo kung saan gagastusin ang dadalhin niyang sako-sakong pera dahil alam niyang labag sa batas ang vote buying.

Samantala, seryosong nanawagan si Pangulong Duterte sa mga miyembro ng ruling PDP-Laban party na iwaksi ang kanilang personal na interes sa politika at sa halip ay unahin ang pagseserbisyo para sa kapakanan ng mga mamamayan.

Umapela siya sa mga miyembro at opisyal ng partido na huwag maging bulag sa kanilang ambisyon at siguruhin nilang hindi makakaladkad ang PDP-Laban sa kanilang mga personal na interes.

Mahalaga aniyang pagtuunan nila ng atensiyon ang kanilang misyon na mapataas ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino lalo ngayong panahon na humaharap pa sa mabigat na pagsubok ang bansa dulot ng epekto ng COVID-19. (Mia Billones/Ray Mark Patriarca)

Leave A Reply

Your email address will not be published.