Una sa Balita

Pang-eepal ni Robin dinedma ni Trillanes

By
0 1,613

BINANATAN ni Senador Antonio Trillanes IV ang hamon ng aktor na si Robin Padilla na lumabas at huwag itong magtago sa Senado matapos bawiin ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang amnestiya na binigay sa kanya.

Nagdesisyon ang mga senador na manatili sa kustodiya ng Senado si Trillanes na nangangahulugang hindi ito papayagang maaresto habang nasa loob ng kapulungan.

Sa kanyang Facebook live video nitong Martes hinamon ni Padilla ang senador na “Lumabas ka! ‘Wag kang magtago sa saya ng Senado!”

“Alam niyo itong si Robin Padilla, ilang taon na ba ito? Bakit hindi ito tumanda? Hindi ito nag-mature? Para kang nasa high school eh,” sabi ni Trillanes.

“How will I take this guy seriously eh parang high school lang?” ayon sa senador. “You grow up. ‘Pag mature na siya, then he can talk to me, I’ll give him my full attention,” sabi pa ni Trillanes.

Matatandaan na minsan na rin nakulong si Padilla sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City matapos mahatulan ng 21 taong pag­kabilanggo dahil sa kasong illegal possession of firearms noong 1994.

Binigyan siya ng conditional pardon at nakalaya noong 1997 sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. At noong Nobyembre 2016 ay binigyan siya ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte.