Una sa Balita

Pang-aabuso sa mga OFW tatapusin ng gobyerno

0 1,089

Tiniyak ni Pangulong Rod­rigo Duterte na gumagawa ng mga hakbang ang pamahalaan para matapos na ang pang-aabuso sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Gitnang Silangan.

Ipinahayag ito ng Pa­ngulo nang makipagkita nitong Sabado kay Pahima Agasi, ang OFW na binuhusan ng kumukulong tubig ng ina ng kanyang employer sa Saudi Arabia may apat na taon na ang nakalipas.

Nakauwi na si Pahima sa Pilipinas noong Biyernes at nagkita sila ng Pangulo sa kanyang pagbabalik sa bansa.
Naganap ang kanilang pagkikita sa Coco’s South Bistro sa Davao City kung saan ay personal na inihayag ng Pangulo kay Pahima na ginagawa ng kanyang gobyerno ang lahat para matulungan ang mga Filipino na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan.

Sinabi pa ng Pangulo na hindi rin niya masisisi ang mga OFW kung piliin na magtrabaho sa ibang bansa para sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya.

Pero ipinaalala ni Pa­ngulong Duterte sa mga OFW na maging mai­ngat dahil magkaiba ang kultura at mga batas ng ibang bansa at ng Pilipinas.