Una sa Balita

Panelo nahirapan sa ‘commute challenge’

0 277

INAMIN ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nahirapan siya sa ginawa niyang pagko-commute mula sa kanyang bahay patungo sa kanyang tanggapan sa Malacañang.

Sa ambush interview pagdating sa New Executive Building eksaktong alas-8:46 nang umaga, sinabi ni Panelo na hindi naging madali sa kanya ang pagsakay ng apat na beses sa pampasaherong jeepney at pag-angkas sa motorsiklo sa kanto ng JP Laurel sa Malacañang complex.

Pero sa kabila ng ilang ulit na paglipat-lipat ng sinakyang jeep ay iginiit ni Panelo na walang krisis sa transportasyon dahil nakara­ting naman siya sa kanyang destinasyon.

Ang kailangan lamang aniya talaga ay gumising nang maaga para hindi mahirapan sa biyahe.

Lumalabas na tatlong oras at kalahati ang itinagal ng biyahe ni Pa­nelo mula sa kanyang bahay hanggang Malacañang.

Alas-5:15 nang umaga aniya siya umalis sa Marikina at nakara­ting ng alas-8:45 sa NEB, Malacañang.

“Umalis ako kanina, naglakad ako bago pumunta ako doon sa sasakyan ng jeep mga… alas-5:15 ako umalis. It took me 12 to 15 minutes to walk,” ani Panelo.

Bagama’t ayaw ng kalihim ng media coverage, hindi pa rin ito nakaiwas matapos maispatan ng mga makukulit na media sa isang jeep sa bahagi ng Aurora Boulevard at sinundan na ito hanggang sa Mendiola. (Aileen Taliping/Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy