Una sa Balita

Panelo kay ‘smiling’ Ressa: Walang pake si Duterte sa‘yo

By
0 570

NANINDIGAN ang Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) kay Maria Ressa, ang chief executive officer (CEO) ng Rappler.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pribadong mamamayan ang nagsampa ng kasong libelo kay Ressa at hindi ito kilala ng Pangulo, bukod pa sa hindi pa Presidente noon si Pangulong Duterte nang isulat ang mapanirang artikulo noong 2012.

Hindi aniya magkakainteres si Pa­ngulong Duterte sa kasong isinampa ng isang pribadong mamamayan dahil hindi naman niya ito kakilala kaya wala aniyang koneksiyon ang pilit na pagsasangkot sa Presidente sa pagkaaresto ni Ressa.

Sinabi pa ni Panelo na naging biktima rin si Pangulong Duterte ng paninira pero ni isa sa kanyang mga kritiko ang sinampahan nito ng libel dahil naniniwala siya sa freedom of expression.

Pinayuhan ng kalihim si Ressa na harapin na lang nito ang kaso at sagutin ang demanda sa kanya dahil hindi siya exempted sa paglabag sa batas kahit pa isa siyang high-profile journalist.

“Ang tandaan ni Maria, hindi porke siya’y isang peryodista, high profile eh mae-exempt siya doon sa mga reklamo ng mga ordinaryong mamamayan. Hindi naman pupuwede iyon, sapagkat ang batas natin hindi naman namimili eh. Hindi namimili,” wika pa ni Panelo.

Duda rin ang Palace official na tila pinalalaki ni Ressa ang ginawang pag-aresto at pag-detain sa kanya sa opisina ng NBI upang makakuha ng simpatiya sa taumbayan at international community.

“Sa tingin ko nga kay Maria, mukhang she’s enjoying it, she’s been smiling all the while. Another thing, hindi naman siya nakakulong eh, nasa NBI kuwarto lang. In other words, she’s making a mountain out of a mole cave,” ani Panelo.

Nakisawsaw na rin ang Amerika sa isyung kinakaharap ni Ressa.

“We hope the charge against journalist and Rappler CEO Maria Ressa will be resolved quickly in accordance with relevant Philippine law and international standards of due process,” nakasaad sa pahayag sa Twitter ng Embahada ng Amerika sa Pilipinas.

Umepal din ang iba pang kilalang personalidad sa mundo at kinondena ang pag-aresto kay Ressa, ilan dito ay ang international journalist na si Christiane Amanpour, dating kasamahan sa trabaho ni Ressa sa CNN, at si dating US Secretary of State Madeline Albright.

Tiniyak din ni United Nations Special Rapporteur Agnes Callamard ang kanyang suporta kay Ressa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy