Una sa Balita

Pandarayuhan

By
0 379

Katatapos lang ng paggunita natin sa ika-120 ani­bersaryo ng Araw ng Kalayaan noong nagdaang Martes. Mainit na usapin din ang sinasabing pagkamkam ng mga dayuhan sa karagatang sakop ng ating bansa. Kaya dito ko nais magtagpo ang aking napapanahong paksa: pandarayuhan.

Walang duda, malinaw sa marami sa atin na salitang ‘dayo’ ang pinagmulan ng salitang pandarayuhan. Dayo, ibig sabihin pagpunta o pagtira sa isang partikular na lugar na hindi naman siya tagaroon.

Dayo rin ang salitang-ugat ng ‘dayuhan’. O isang tao na pumunta (o dumayo) sa isang lugar na minsan lang o hindi pa niya narara­ting. Neut­ral ang salitang dayo, dayuhan, o pandarayuhan. Pero depende sa konteksto ng gamit sa salita, nagkakaroon ng positibo o negatibong konotasyon ito.

Noong bata pa ako, dumadayo kami ng basketball sa ibang barangay. Ibig sabihin, kakalabanin namin ang mga manlalaro ng basketball ng ibang barangay sa mismong lugar nila.

Sila ang may home court advantage dahil karamihan sa manonood ay nakatira sa kanila kaya natural na hindi kampi sa amin. Mas maraming sisigaw at kakantyaw laban sa amin. Ganito ang format ng laban ng katatapos lang na NBA. May homecourt.

Hindi lang sa pagdayo ng laro, mahirap talagang maging dayo dahil maaaring hindi ka pamilyar sa kultura at gawi ng mga tao. Dapat inaaral ito ng isang dayuhan. Kaya nga kapag mangi­ngibang-bansa tayo, makabubuting pag-aralan ang kultura at tradisyon ng bansang pupuntahan o dadayuhin. Baka mamaya, maka-offend tayo.

Ganito rin kung dadayo tayo sa ibang lalawigan. May partikular na gawi, kultura, at tradisyon ang ilang rehiyon o lalawigan dito sa ating bansa na dapat malaman ng isang dayuhan para kumilos nang maayos.

Halimbawa, kung dadayo kayo sa amin sa Lucban, Quezon, maaaring mabigla ka sa dami ng manginginom. Puwede kang alukin ng tagay kahit ikaw pa ay dayuhan. Na hindi mangyayari sa ibang lugar.

Kinakain din namin ang pansit sa pamamagitan ng paghabhab o iyong pagkain nang direkta sa bibig na walang tulong ng kutsara at tinidor. Inilalagay sa dahon ng saging at ipapataong sa aming palad ang pansit, ‘yun na, hahabhabin. Kaya tinatawag na pansit habhab.

Kaya maraming dayuhan sa aming lugar ang sumusubok sa paraan nang pagkain namin sa pansit na maaaring ang tingin ng iba ay masagwa.

May ibang dayuhan naman na akala mo kung sino. Walang pakialam sa mararamdaman ng dinadayo. Tahasang nilalabag ang kultura maging ang batas. Oo, may ganitong uri ng dayuhan.

Ipinararamdam ng mga dayuhang ito na sila ay mas makapangyarihan dahil sila ay malakas dahil kinukunsinti ng pinuno ng lugar na dinadayo. Dahil dito, hindi sila masisiyahan sa basta pandarayuhan lang. Sasabihin nilang pag-aari na nila ang lugar kahit labag ito sa batas. Hindi na sila dayo kung hindi ma­ngangamkam.