Una sa Balita

Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao

0 446

Ipinagdiriwang po sa buong mundo tuwing ika-10 ng ­Disyembre ang “­Human Rights Day”, ang araw na tinanggap ng United Nations General Assembly ang Resolution 217 o ang Universal Declaration of Human Rights.

Nilalaman po ng dokumentong ito ang mga indibidwal at kolektibong mga karapatang dapat matamasa ng bawat nilalang anuman ang kanyang ­kulay, lahi, relihiyon, antas ng pamumuhay, at politikal na paniniwala tulad ng kalayaan sa pagsasalita, pagkakapantay-pantay sa harap ng batas, karapatan sa edukasyon, karapatang makapaghanapbuhay, at iba pa.

Noong 2003, naisabatas naman po sa ­Pilipinas ang Republic Act 9201 na nagdedeklara na mula ika-4 hanggang ika-10 ng Disyembre ay gugunitain ang “­National Human Rights Consciousness Week” sa buong bansa.

Kaugnay ng pandaigdigang tema na “Youth Standing Up for ­Human Rights” ngayong 2019, binibigyang diin ngayon sa Pilipinas ang mahalagang papel ng ­kabataang Pilipino para labanan ang mga paglabag sa mga karapatang pantao tulad ng rasismo, hate speech, bullying, diskriminasyon, climate change, at iba pa.

Kaya’t buong pagmamalaki po nating ibinahagi noong nakaraang Oktubre sa International Parliamentary Union sa Belgrade, Serbia ang mga hakbang na ginagawa ng Pilipinas para mapatingkad ang partisipasyon ng kabataang Pinoy sa mga isyung panlipunan.

Naniniwala po tayo na magiging posible lamang ang malawakang partisipasyon ng mga kabataan kung mabibigyan sila ng mas ­maraming oportunidad sa pamamagitan ng libreng edukasyon at training, ayuda sa paghahanap ng trabaho, at mga serbisyo para matupad nila ang kanilang mga mithiin sa buhay.

Ilan po sa mga isinulong nating batas na magpapaigting ng partisipasyon ng ating kabataan ang Sangguniang Kabataan Reform Law, Free Tuition Law, Tulong-Trabaho Law, at ang Assistance to First-Time Jobseekers Law.

Binubuo po ng tatlumpong Artikulo ang Pandaigdig na Pagpapahayag ng mga Karapatan ng Tao at ang isa po sa patuloy nating binibigyang pansin ay ang Artikulo 23 kung saan nakasaad na “ang bawat tao’y may karapatan sa paggawa, sa malayang pagpili ng mapapasukang hanapbuhay, sa makatarungan at kanais-nais na mga kalagayan sa paggawa at sa pangangalaga laban sa kawalang mapapasukang hanapbuhay.”

Nakasaad din po rito ang karapatan sa pantay na bayad ng kapantay na gawain, kabuhayang karapat-dapat sa kara­ngalan ng isang tao, at karapatang magtatag at umanib sa mga unyon ng manggagawa.

Ito po ang dahilan kung bakit pinagsumikapan nating maisabatas ang Telecommuting o Work-from-home Law, ang Service Charge Law at ang ­Occupational Safety and Health ­Standards Law.

Patuloy rin po nating itinutulak ang iba pang mga panukalang batas na naglalayong iangat ang dignidad ng ating mga manggagawa tulad ng Alternative Work Arrangements Bill, Protection to Freelancers Bill at ang Security of Tenure Bill.

Ngayong Human Rights Day, nawa’y lalong umigting ang pagkilala at ­pagrespeto sa mga karapatang ­pantao lalo na po sa ating mga ­manggagawa, ang pundasyon ng matatag na ekonomiya at kinabukasan ng ating minamahal na bansa.

Job Fair Schedule

Carmen Kahayag Festival Job Fair
Carmen Municipal Gym
December 9

Local and Overseas Job Fair
Municipal Gymnasium
Siaton, Negros Oriental
December 10

Mega Job Fair
SM City Cabanatuan, Nueva Ecija
December 11

PESO Kabanlakan Job Fair
Kabankalan Training Center
Kabankalan City
December 13

Trabaho Patrol
Andres Bonifacio Elementary School
Bacolod City
December 14

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy