Una sa Balita

Panatilihing ligtas ang pamilya ngayong tag-ulan

By
0 679

Kamakailan lang ay opisyal na idineklara ng Philippine Atmosphe­ric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pag­asa) ang pagpasok ng tag-ulan sa Pilipinas. Panahon na naman ng bagyo, baha at mga sakit kaugnay ng maulan na panahon.

Sa mga nanay na katulad ko, hindi maiiwasan ang mag-alala para sa pamilya ‘pag sumasapit ang tag-ulan. Panahon din kasi ito ng pasukan ng mga bata sa mga paaralan. Ang mga bulinggit natin ay susuong sa mga baha at walang tigil na ulan na karaniwang nagdudulot ng sipon, lagnat at ubo.

Para maihanda ang ating pamilya sa masamang epekto na dulot ng tag-ulan at pagbaha, kailangang palakasin natin sila laban sa mga sakit. Hainan natin sila ng masusustansiyang pagkain tulad ng mga gulay at prutas para tumaas ang kanilang pa­nanggalang sa mga sakit. Dapat rin ay pagsuotin ng jacket, kapote at payong ang ating mga anak ‘pag umuulan. Kung talamak ang baha sa inyong lugar at sa mga daraanan ng mga bata, mas nakakabuting nakasuot sila ng bota. Ito ay para umiwas sa mga sakit dulot ng pagbaha katulad ng leptospirosis — isang matinding sakit na nagmumula sa leptospira bacteria na karaniwang galing sa ihi ng mga daga na humahalo sa tubig-baha at pumapasok sa mga sugat ng tao.

Tandaan rin natin na ito rin ay panahon nang pagtaas ng kaso ng mga dengue. Ayon sa Department of Health (DOH), ang buwan ng Hunyo ay Dengue Awareness Month. Kailangang bantayan natin ang ating pamilya upang hindi mabiktima ng sakit na ito.

Noong Marso ay inulat ng DOH na may 10,000 kaso na ng dengue noong unang anim na linggo ng taong 2018. Tumataas ang kaso nito sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region at Calabarzon.

Tinatayang 23.4 porsiyento na nagkaka-dengue ay nasa edad 10-14. Ang nanay at tatay kasama na ng buong pamilya ay kaila­ngang maghanda laban sa dengue, isa na rito ay ang paglilinis ng buong kabahayan, eskuwelahan at mga komunidad. Ang malinis na pamayanan ay makakaiwas sa napakaraming sakit. Tanggalin ang lahat ng pinamumugaran ng lamok at linisin ang mga kanal.

Gayundin, pinag-iingat ng DOH ang ating kababayan laban sa mga tinatawag na sakit na nanggaga­ling sa kontaminadong tubig tulad ng typhoid fever, kolera at hepatitis A. Mas mainam na maghanda laban sa mga pangkaraniwang sakit ‘pag tag-ulan su­balit kapag may mga simtomas na ng mga sakit na ito o nakakaramdam ng kakaiba ang ating pamilya ay mas mabisa na isugod na sila sa malapit na barangay health center o ospital upang malapatan ng lunas.

At dahil panahon na ng tag-ulan, kailangang maghanda sa pagpasok ng mga bagyo sa ating bansa. Dapat ay magkaroon ng emergency kit ang bawat tahanan. Magtabi ng flashlight, battery, malinis na tubig, mga de-latang pagkain at noodles, gamot at pito na magagamit kapag big­lang tumaas ang baha sa inyong komunidad.
Ang paghahanda at pagpaplano ay makakatulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng malaking pinsala sa hindi maiiwasang oras ng sakuna. Ingatan po natin ang ating mga pamilya at komunidad.

***

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.