Una sa Balita

Panatilihin ang Filipino subject sa kolehiyo

0 1,317

Sang-ayon ba kayo sa pagtanggal ng Filipino subject sa kolehiyo? Naging usapin kamakailan ang pagkilala ng Korte Suprema na naaayon sa Konstitusyon ang polisiyang inilabas ng Commission on Higher­ Education (CHED) na tanggalin ang Filipino at Panitikan bilang subject sa kolehiyo. 

Ayon kasi sa CHED, itinuturo na naman sa ele­mentarya hanggang senior high school ang mga nasabing subject kaya may kalayaang tanggalin na ito sa college curriculum. Ano nga ba ang malaking epekto nito sa ating kabataan kung sakaling ito ay agarang maiimplementa?

 Para sa akin, maha­laga ang Filipino at Panitikan para mapanatili ang pagpapahalaga sa ating wika at kultura. Napakahalaga kasi nito sa ating pagkakakilanlan dahil ito ay may makabuluhang koneksyon sa ating kasaysayan.

 Sa aking obserbasyon ngayon, dahil na rin sa makabagong teknolohiya, karamihan sa ating mga mag-aaral ay hirap sa paggamit ng wikang Filipino at mas gamay pa sa wikang Ingles. Hindi rin ganap ang kanilang kaalaman sa Philippine history. Kung ito ay tuluyang tatanggalin sa kolehiyo, parang sinasabi na rin na hindi karapat-dapat na mas mataas o mas malalim na pag-aaral ang ating sariling wika at literatura.

 Hindi dapat na ipamalit ito sa pagtuturo ng iba’t ibang dayuhang wika tulad ng English, Spanish, French, Chinese at Korean sa kolehiyo. Ganundin ang kaha­lagahan ng math, science at technology, Filipino at Panitikan pa kaya? Dapat sana ay pantay na mapahalagahan ang mga subject na ito.

 Sa pagtuntong nila ng kolehiyo ay lubos na nabubuo sa mga estud­yante ang kanilang pananaw sa mundo, natututong pahalagahan ang kaugalian at tradisyon ng ating lipunan at maging maalam sa kasalukuyang sistema ng bansa. Sapat na maisalin sa kanilang paniniwala, kilos at pananalita.

 Sa kabilang banda naman, malaking pagsubok ito para sa mga college teacher dahil mahigit 10,000 sa kanila ang maaaring maapektuhan sa pagbabagong ito dahil kung sakaling magtuloy-tuloy ang pagpapatupad nito ay hanggang senior high school na lamang maituturo ang Filipino subject. Kung hindi man sila mawalan ng trabaho, mababawasan naman sila ng teaching load o ‘di kaya ay malipat sa ibang departamento o eskuwelahan.

 Naniniwala po tayo na mahalagang bagay para sa kinabukasan nating mga Pilipino ang patuloy na pagtuturo ng Filipino at Panitikan. Dahil sa pamamagitan ng pag-aaral at pagpapahalaga rito, nagsisimulang mahubog sa ating kabataan ang malayang pag-iisip at tunay na pagmamahal sa bayan.

  Anuman ang maging desisyon ng Komisyon—kung kanila bang pana­natilihin o babaguhin ang nasabing polisiya, umaasa ako na ito ay para sa kung ano ang makakabuti hindi lamang para sa mga mag-aaral, kundi para sa ating Inang Bayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy