Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pananampalataya sa gitna ng pandemya

0 124

Naging kakaiba ang pagdaraos ng Pista ng Itim na Nazareno ngayong taon, hindi tulad ng mga nakalipas na taon kung saan milyon-milyong mga deboto mula sa iba’ ibang panig ng bansa ang dumadalo at nakikilahok sa mga aktibidad ng Simbahan ng Quiapo, limitado ang pagdiriwang nito dahil sa pandemya.

Gayunman, para sa ilang deboto wala pa ring pinagbago ang kanilang pananampalataya, kahit hindi nila naisagawa ang mga dating nakagawin tuwing kapistahan ng Poon tulad ng Pahalik at Traslacion.

Ilang deboto ang kinapanayam ng Abante hinggil sa kanilang pananampalataya at paraan ng pagpapakita ng debosyon kahit pa nagpapatuloy ang pandemya at nararanasang epekto nito sa buhay ng mga Pilipino.

Para sa negosyanteng si Jerry Disc ng Cavite City, “Kahit wala na lang pahalik basta nasa puso mo ang panalangin matutuwa na ang Panginoon sayo.”

“Dito na lang ako magsisimba sa Cavite City meron naman Nazareno doon, mahirap na nag-iingat tayo baka sa pahalik pa madale ng COVID-19,” dagdag niya pa.

Pag-iingat din sa kalusugan ang prayoridad ng debotong si Rodolfo Hipolito, tricycle driver ng Galas, Quezon City.

Aniya, “Magsisimba na lang ako ngayon, wala naman Traslacion at Pahalik.”

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sabi niya pa, “Naiintindihan naman namin ang panawagan ng mga awtoridad para rin naman sa kapakanan ng taumbayan ‘yun, para mapigilan ang pagkakahawaan ng COVID19”.

Ayon naman kay Teresita Dee, vendor at taga-Sampaloc, Manila, “Taun-taon nagpupunta ako ng Quiapo, kapag January 9 para magsimba kasama ko ang mga anak ko inaantabayanan namin ‘yung unahan ng prysisyon.

“Ngayon ay January 8 pa lamang ay nagsimba na kami, kasi kung bukas pa ay mahihirapan pa kami na makalapit sa Simbahan madami ng pulis na nagbabantay.”

Iba-iba man ng naging diskarte at paraan ang mga mananampalataya, hindi pa rin napigil ng pandemya ang kanilang debosyon para sa Poong Nazareno, patunay na kahit na sa anumang hamon at sitwasyon nagiging mas malakas ang puso kung may sinasandigang Diyos.

Kaugnay ng naganap na pagdiriwang, ikinatuwa ng Manila Police District (MPD) ang naging daloy ng Pista ng Itim na Nazareno.

“Tayo ay masayang ibabalita sa ating mga mamamayan na naging matahimik, walang nangyari kahit isang insidente, walang nangyari na kahit isang krimen sa pagdiriwang ng Pista ng Nazareno,” saad ni MPD director Police Brigadier General Leo Francisco sa isang panayam sa radyo.

Nasa humigit-kumulang 500,000 indibidwal umano ang dumalo sa naturang aktibidad.

Naging masunurin din ang mga deboto at nakinig sa mga ipinatutupad na mga health protocol. May ilang mga pagkakataon na hindi naoobserbahan ang social distancing sa mga deboto ngunit sinubukan umano nila ang kanilang makakaya na ipatupad ito. (Juliet de Loza-Cudia)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.