Una sa Balita

Pananakit sa mga health worker pinaiimbestigahan ng Palasyo

0 313

Pinaiimbestigahan na ng Malacañang ang report na nakakaranas ng diskriminasyon, harassment at pananakit ang ilang frontliners partikular ang health workers sa kabila ng ginagawang sakripisyo para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease sa bansa.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na dapat tratuhin ng maayos ang mga frontliner na nagsasakripisyo para sa kaligtasan ng mga Pilipino sa halip na pangilagan at saktan ang mga ito.

Pinakilos na aniya ng Malacañang ang mga naiulat na insidente ng harassment at diskriminasyon para maparusahan ang mga gumagawa nito.

“Yung umatake sa isang frontliner natin ay pinapaimbestigahan na ng administrasyon at sana sa lalong madaling panahon ay mabigyan ng hustisya yung nabiktima,” ani Nograles.

Kabilang sa mga harassment at discrimination na naranasan ng health workers ay ang pagsasaboy ng clorox sa isang nurse matapos mag-duty sa hospital, hindi pagpapapasok sa mga ito sa kanilang boarding house at condo unit, pati na rin sa isang doktor na ayaw papasukin sa kanilang subdivision dahil sa takot na mahawa umano ang mga residente sa COVID19.

Umaapela aniya ang Department of Health (DOH) at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa publiko na huwag i-discriminate ang health workers at sa halip ay mahalin ang mga ito dahil itinataya ng mga ito ang kanilang buhay at kaligtasan para maisalba ang sambayanan laban sa peligro ng COVID-19.

“Nanawagan na ang DOH at IATF na huwag i-discriminate ang ating health workers, ang ating frontliners at kailangang maunawaan natin na sila yung nagsasakripisyo ng kanilang buhay, at ang kanilang kalusugan at kaligtasan para sa sambayanang Pilipino so dapat mahalin natin sila at huwag pangilagan at huwag sasaktan,” dagdag ni Nograles.(Aileen Taliping)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More