Una sa Balita

Pananabotahe sa 2019 budget ng DFA

By
0 162

Sa pagdinig ng S­e­nate Committee on Finance para sa budget ng Department of Foreign Affairs 2019, pinuna ni Senador Risa Hontiveros ang kawalan ng aksyon ng Kagawaran sa kabila ng mga umano’y pambubully ng China sa West Philippine Sea.

Tinangka ni Senador Hontiveros na harangin ang budget ng DFA para hindi ito maipasa sa plenaryo ngunit hindi nagtagumpay.

Nanindigan kasi si Senador Loren Legarda, Chairperson ng Senate Committee on Finance na dapat isumite na ang panukalang budget ng DFA sa plenaryo at doon na lang ituloy ang paghimay sa pondo may kinalaman sa gawain ng kagawaran.

Hindi kaya naisip ni Hontiveros, na mabitin lang ng isang araw ang budget ng DFA, libo-libong OFW ang maapek­tuhan lalo na yong mga tinatawag na ‘displaced OFWs .’

Halos araw-araw ay may dumadating na mga OFW na nagka-problema sa ibang bansa lalo na yaong mga nasa Middle East.
Kung mabibinbin ang pondo ng DFA, saan kukuha ng pera para pondohan ang ‘Assistance to Nationals Fund at Legal Assistance Fund?’ Kung may malasakit talaga si Hontiveros sa mga OFW, dapat sinuportahan na lamang ang mga programa ng DFA na talagang nangangailangan ng pondo.

****

Sa naganap na ‘budget hearing’ kaugnay sa taunang pondo ng DFA, hindi naiwasang maungkat ang isyu ng West Philippine Sea, partikular ang usapin ng hindi pagpalag ng Pilipinas sa mga pagkilos ng China sa South China Sea.

Hindi pinalagpas ni Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano ang mga pagbatikos. Ayon sa kalihim ilang ulit ng sinagot ng administrasyong Duterte ang isyu at nilinaw mayroong ginagawa ang gobyerno para ipaglaban ang ‘soberenya’ ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Nanindigan si Caye­tano na sa pagresolba ng sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China, mas epektibo ang estilo ng kasalukuyang adminis­trasyon kumpara sa naging hakbang nagdaang administrasyong Aquino.

Hindi estilo ng kasalukuyang administrasyon, ayon kay Caye­tano na magbilang ng mga ‘diplomatic protest.’ Nakatuon ang ‘foreign policy’ ng Pilipinas sa positibong resulta at magandang ugnayan hindi lamang sa China kundi sa iba pang bansa sa daigdig.

Partikular ang magandang relasyon ng Pilipinas sa Malaysia at Vietnam, ayon kay Cayetano sa loob ng 6-na taon, hindi nagprotesta ang Pilipinas kahit inokupa ng dalawang bansa ang ilang bahagi ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas.

Ang kawalan ng protesta ay hindi nanga­ngahulugan, ayon kay Cayetano na isinuko na ng Pilipinas ang ‘claim’ sa mga pag-aari nito.

****

Dapat siguro maghinay-hinay ang Senadora sa pagharang sa budget ng DFA na malamang ay makikinabang lamang ang mga ‘nananabotahe’ at may ‘agenda’ para masira ang magandang relasyon ng China at Pilipinas.

Tulad ng ibang kritiko, mukhang ayaw ng Senadora na magpatuloy ang magandang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sa halip na mag-ingay, tumulong na lang sana sa paglutas ng problema tulad ng kakulangan ng mga ‘consular offices’ resulta ng pagdami ng kumuha ng mga pasaporte.