Una sa Balita

Panalo ni Pacquiao, sinapawan ng desisyon sa FIBA basketbrawl!

By
0 990

ILANG araw matapos talunin ni Manny Pacquiao si Lucas Matthysse, lumabas ang desisyon ng FIBA tungkol sa bugbugang nangyari noong Hulyo 2 sa pagitan ng Gilas Pilipinas at Australia sa Philippine Arena, ­Bulacan.

Masakit mang sabihin, natabunan ng fine at suspension na iginawad ng FIBA ang panalo ni Pacquiao. Maski na lumabas ang balitang mayroon palang problema sa puso ang ‘Pambansang Kamao’ pero hindi niya ito pinansin para matuloy ang laban sa Kuala Lumpur, nasapawan pa rin ito ng desisyon ng FIBA.

Sampung manlalaro ng Gilas ang nasuspende. Ang tanong ngayon ay kung sino ang papalit sa mga ito – Calvin Abueva, Roger Pogoy, Carl Bryan Cruz, Jio Jalalon, Andray Blatche, Terrence Romeo, Jayson Castro, Troy Rosario, Japeth Aguilar at Matthew Wright – sa susunod na laro ng Gilas laban sa mga Iranians sa Iran itong Setyembre.

Ang ilan sa mga manlalarong tinitingnan para dalhin ang bandila ng Pilipinas sa nasabing laban ay sina Raymond Almazan, Arwind Santos, Greg Slaughter, Marcio Lassiter, Poy Eram, Paul Lee, Mark Barroca, Vic Manuel, Stanley Pringle at Christian Standhardinger.

Sinabi na rin ni PBA Commissioner Willie Marcial na papayag ang liga na kumuha ng ibang manlalaro ang Sama­hang Basketbol ng Pilipinas pero ‘yan ay kung papayag ang mga player.

Tama ang sinabi ng isang katoto, sa pagkakataon na ito ay kailangan ng matinding puso.

Tanging sina June Mar Fajardo, Gabe Norwood, Baser Amer at Allein Maliksi ang hindi nasuspende sa orihinal na Gilas team na naglaro nuong July 2. Siya nga pala, suspendido din si coach Chot Reyes at assistant coach Jong Uichico.

Walang problema sa mapipiling coach ng koponan. Ang problema ay ang mga manlalarong papalit sa mga nasuspende.

Siguro naman, sa pagkakataong ito ay agad na tatayo sa upuan ang sino mang manlalaro na tatawagin ng Gilas para maglaro laban sa Iran. Alam na­ting halos lahat ng mga manlalaro ng liga ay gustong maging miyembro ng Gilas. At ito na ang pagkakataon nila para ipakitang handa silang dalhin ang bandila ng bayan.

Replacement player ba ang itatawag natin sa mga ito? Kapag ba ganoon ang ginamit nating termino ay hindi nila ito magugustuhan? Hindi naman siguro.

Original o replacement, ang pinag-uusapan dito ay ang bayan. Sana lang, kapag natawag ang kanilang pangalan ay agad silang magsuot ng uniporme.
Hep, hep, hooray!