Una sa Balita

Panahon na! Sotto ipapalag sa mga bigatin— Guiao

By
0 1,110

DALAWANG veteran newcomers at dalawa pang cadets ang isinama ni coach Yeng Guiao sa 20-man pool ng National team na isasabak sa susunod na window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Sina LA Tenorio at Arwind Santos ang mga beterano, sina Ricci Rivero at Kai Sotto ang cadets.

Sa edad 16, gustong hubugin ni Guiao ang 7-foot-2 giant na si Sotto. Para sa coach, ang prized center ng Ateneo High School ang future ng Philippine basketball.

Dati na ring pinayagan ng NLEX mentor na makipraktis si Sotto sa Road Warriors.

“With Kai Sotto, we have nothing to lose,” giit ni Guiao. “Kai is our future.”

Panahon na raw para maranasan ni Sotto na makipaglaro sa mga “big boys”.

“And who knows, baka makakuha pa siya ng slot sa final 12,” dagdag ng coach.

Dominado na raw ng teenager ang high school at under-18 basketball, panahon na para subukan nito ang mas mataas na level ng kompetisyon.

“We’re just trying to make use of the opportunity for him to be developed and be able to upgrade the competition he’s been playing in,” paliwanag ni Guiao.

Masasama si Sotto kina June Mar Fajardo, Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Ian Sangalang, Poy Erram, nagbabalik na si Troy Rosario, Beau Belga at Asi Taulava.

Si Rivero na nagbubuno ng residency sa UP para makalaro sa UAAP ay dati na ring nasa cadet squad.

Iprinisinta ni Guiao ang kanyang listahan at inaprubahan agad ng PBA Board at ng Samahang Basketbol ng Pilipinas noong Martes.

Ang iba pa sa pool ay sina Paul Lee, Alex Cabagnot, Matthew Wright, Marcio Lassiter, Scottie Thompson, Gabe Norwood at ang mula FIBA suspension na si Jayson Castro.

Nakalista bilang naturalized pla­yers kapalit ni Andray Blatche sina Christian Standhardinger at Stanley Pringle.

“We are happy to announce that both the SBP and the PBA support the proposal of coach Yeng Guiao,” ani SBP president at Meralco governor Al Panlilio.