Una sa Balita

Panahon na para lahat ay may mauwiang sariling bahay

By
0 172

Sinusubok na naman po ang ating katatagan. Heto na naman ang mabibigat na pagsubok na dumarating sa ating bansa.
Kalikasan po ang ating kalaban ngayon, mahirap magapi lalo na’t kung dinatnan tayo sa panahon na hindi tayo nakahanda at wala tayong kalaban-laban. 

Sa mga nagdaang araw na sinasalanta tayo ng malalakas na pagbuhos ng ulan dahil sa habagat, mara­ming kababayan natin ang nasa kalsada pa at stranded sa mataas na tubig-baha.

Hatinggabi na po at hindi pa sila nakakauwi sa kanilang mga bahay. Paano pa kaya ang mga kawawa nating kababayan na lubog ang katawan sa baha pero walang bahay na mauuwian?

Sa gitna ng mga ganitong pangyayari, nakakapagpalubag-loob na marami pa rin ang may mabubuting kalooban na dumaramay sa mga walang bahay natin na kababayan. Pagkain, damit at pansamantalang panunuluyan sa mga lugar na ginawang evacuation center ang ibinibigay sa kanila.

Talagang kaya po nating malagpasan ang anumang pagsubok kahit gaano pa ito kabigat. Likas po kasi sa ating mga Pinoy ang pagtulong at malasakit sa kapwa.

Pero panandaliang tulong lang po ito eh. Ang sagot sa mga ganitong problema ay matatag na political will ng mga lider natin sa gobyerno.

Nasa kanilang mga kamay kung paano mare-resolba ang isa sa pinakamatinding suliranin ng ating lipunan. At ito ay ang kawalan ng disente at abot-kayang pabahay para sa mga kababayan natin.

Nasa pamahalaan ang lahat ng resources, kaya nitong gawin ang lahat ng paraan sa tama at legal na paraan para mabago ang buhay ng bawat Pilipino na walang sariling bahay.

Sa tulong po ng ating panukalang pagbuo ng Department of Human Settlements and Development (DHSD) na umakyat na sa Senado para sila naman ang gumawa ng sarili nilang bersyon, matutupad na – marahil, sana – ng ating mga kababayan ang pangarap nilang magkaroon ng sarili nilang bahay.

Napakalawak at napakarami pong lupa ang gobyerno na mahigit ng10 taong nakatiwangwang lang o kaya ay iligal na inookupahan ng mga informal settler ang pwede na­ting gawing pabahay para sa kanila.

Yan po ang isa mga mahahalagang bahagi ng ating panukalang pagbuo ng DHSD na kayang-kayang ipagkaloob ng pamahalaan.

Marami pa pong habagat, mahigit 20 bagyo pa ang inaasahan nating bibisita sa Pilipinas.

Sana dumating na ang panahon na lahat ng Pilipino ay may mauuwiang sarili nilang bahay kung saan ay naghihintay ang kanilang mga mahal sa buhay sa tuwing sasapit ang mga ganitong pagkakataon.

Yung tipo pong ma­lakas man ang patak ng ulan sa labas ay makakatulog naman ng mahimbing ang ating mga kababayan dahil mayroon silang nasisilungang bubong na nakatirik sa isang maayos at ligtas na komunidad.