Una sa Balita

Panahon na ng halalan

0 672

Kumpara noong nakaraang 2016 Elections, ‘di gaanong mainit ang kampanya ng mga kandidato ngayong 2019 Elections. Ito ay atin namang inaasahan sapagkat ‘di kasama sa ihahalal ng bayan ang susunod nating Presidente.

Ito ay mangyayari pa sa 2022. Gayumpaman, mapapansing matapos ang panahon ng ‘Filing of Candidacy’ noong Oktubre, 2018, nagsimula nang magpakilala sa pamamagitan ng telebisyon, radyo at social media ang ilan sa mga tumatakbo sa pagka-senador at party-list representative. Wala na rin silang tigil sa pag-ikot sa iba’t ibang lugar ng ating bansa upang makada-upang palad ang mga botante. Siyempre, ‘di rin nagpapahuli ang mga kandidato sa mga lokal na posisyon na wala na ring tigil sa mga pag-oorganisa at pagpapakilala sa mga potensiyal na botante nila.

Marami sa mga kababayan natin ang nagsasabing ito ay ‘premature campaigning’ subalit dahil sa desis­yon ng Korte Suprema na nagsasabing ang mga nag-file ng kandidatura ay nagiging opisyal na kandidato lamang sa panahong itinakda na kampanyahan, ang mga alintuntunin ukol sa kampanyahan ay gagana lamang simula sa Peb­rero 12 para sa mga kandidato sa pagka-senador at kinatawan ng mga party-list group at sa Marso 29 para sa mga kandidato sa mga posisyong rehiyonal, probinsyal, pang-lungsod at pambayan.

Related Posts

Kung gayon, matapos ang desisyon ng Korte Suprema, wala nang kasong ‘premature campaigning’ maliban na lamang kung magpapasa ng bagong batas ang Kongreso ng ating Republika na nagsasabing opisyal na kandidato na ang isang tao matapos itong mag-file ng kanyang kandidatura sa COMELEC.

Sa ipinalabas na Info Materials ng Commission on Elections, para sa halalan ngayong taong ito, nagsimula na ang ‘election period’ noong Enero 13 kung saan mayroon ng gun ban at pagbabawal sa serbisyo sa mga ‘private bodyguard.’ Bawal ang kampanya sa Abril 18 (Maundy Thursday) at Abril 19 (Good Friday). Magtatapos ang kampanyahan sa Mayo 11. Mayroon ng ‘liquor ban sa Mayo 12 at kinabukasan, Mayo 13, botohan na. Inaasahang maiaanunsiyo na ang mga nanalo sa mga lokal na posis­yon sa mga lungsod at bayan mula sa gabi ng Mayo 13 hanggang Mayo 16. Para sa mga party-list group at mga kandidato sa pagka-senador, pamprobinsya at pangrehiyong posisyon, malalaman na ang mga nagwagi sa Mayo 19. Sa lahat ng ating mga mamamayan, maging matalino sa pagpili ng ating mga susunod na lider. Sa mga kandidato, maging bahagi po sana tayo sa pagkakaroon ng isang malinis at mapayapang halalan!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy