Una sa Balita

Panaginip na naging bangungot: P 3.5 bilyong tapon kada araw dahil sa trapik

0 480

Pesteng trapik ‘yan. Bukod sa nauubos ang oras natin sa walang pag-usad at nakakainip na biyahe, napa­kasamang epekto ang ginagawa nito sa ating kabuhayan at ekonomiya.

Ipinapalagay sa isang pag-aaral na noong 2017, umabot sa P3.5 bilyon kada araw ang nawawala sa atin sa pinagsama-samang halaga ng oras, gasolina o krudo, trabaho at oportunidad na nawalang parang bula at kinain lamang ng matin­ding trapik.

Ang dating 10 kilo­metrong biyahe sa kalsada na karaniwa’y isang oras bubunuin, ngayon ay naging dalawang oras na; tatlong oras ‘pag minalas at bumuhos ang malakas na ulan.

Kung makipagsapalaran ka naman sa LRT at MRT para sa mas mabilis na biyahe, maaa­ring makarating ka nang mas mabilis kumpara sa biyahe sa kalsada – kung hindi titirik at magkaka-aberya ang tren. Ihanda na rin ang sarili na sakaling makarating sa destinasyon, gusot na ang damit at hindi na kaaya-aya ang amoy mo para sa maghapong pasok sa opisina o eskuwelahan.

Ganyan ang pang-araw-araw na laban ng mga kababayan nating pasahero. Kung trapik sa ilalim at hindi na rin maaasahan ang LRT at MRT, may pag-asa pa ba ang mga commuters natin?

Hindi naman maaa­ring ipagkibit-balikat na lamang ang lumalalang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila at iba pang sentro ng Pilipinas. Dahil ang P3.5 bilyong nawawala sa atin sa araw-araw na pagkaipit sa trapik ay katumbas ng 13.9% ng gross domestic product o GDP ng Pilipinas.

Ano ba ang GDP? Tumutukoy ito sa kabuuang halaga sa merkado ng produkto at serbisyong ginawa sa loob ng bansa sa isang partikular na panahon.

Napakalaking kawalan ang P3.5 bilyon kada araw para sa isang bansang kasing liit ng Pilipinas. Katumbas ng P3.5 bilyon ang 149 kilo­metrong bagong kalsada; o pag-aspalto sa 226 kilometrong lubak-lubak na kalsada; o 3,181 bagong silid-aralan; o kaya’y 9,815 na pabahay para sa mahihirap na Pilipino. Alinman ang piliin natin sa mga ehemplong nabanggit, mas makabuluhang gastusin ang pera doon kesa sa nawawala ang bilyong pera na wala naman tayong napapala.

Tulad ng nauna na­ting sinabi, kombinasyon ng maraming solusyon ang dapat gawin upang matigil ang patuloy na paglala ng trapiko, hanggang sa tuluyan na itong malunasan at umayos ang daloy ng trapiko.

Kung patuloy ang pag­lobo ng ating populasyon, subalit nananatiling ganoon pa rin ang bilang at lapad ng kalsada at highway, hindi name-maintain nang maayos ang mass transport system tulad ng MRT, LRT at PNR, samantalang patuloy rin ang pagdami ng mga bagong sasakyan sa lansangan, kataka-taka pa ba kung bakit nagkaganito ang sitwasyon ng trapiko sa Pilipinas?

Noong 2014, nagsanib-puwersa ang Japan International Cooperation Agency (JICA) at National Economic And Development Authority (NEDA) at bumalangkas ng ‘Dream Plan’, isang masterplan na may detalyadong plano kung paano lulutasin ang problema ng trapiko at mass transportation sa Mega Manila.

Sa kasamaang palad, napag-alaman natin sa pagdinig sa Senado noong nakaraang linggo na tiningi-tingi ang pagpapatupad ng nasabing Dream Plan at may mga ipinasok na ideyang wala naman sa orihinal na plano. Sa madaling salita, hindi sinunod ang nilalaman ng Dream Plan.

Sa paggawa ng bahay, kailangan na may planong sinusundan para mabilis ang trabaho at naaayon sa pangangaila­ngan ang disenyo at budget ng itatayong bahay. Kaya nga may plano, para sumunod ang lahat ng gagawa sa iisang martsa.

Maganda ang hangarin at maging ang pangalan ng Dream Plan. Parang may maliwanag na kinabukasang naghihintay sa kabila ng malagim at nakabubugnot na sitwasyon ng trapiko sa paligid. Huwag naman sanang mangyari na ang ‘planong panaginip’ ay maging isang bangungot.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy