Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pamunuan ng Quezon Medical Center kinalampag

0 64

Dumulog sa inyong lingkod ang isang “concerned citizen” upang ipagbigay-alam ang nakakabahala aniyang sitwasyon sa Quezon Medical Center…na isang pampublikong ospital sa lalawigan ng Quezon.

Ayon sa naturang “concerned citizen”, mukhang hindi na-a-asikaso ng husto ng QMC ang ilang bangkay ng mga pasyenteng namatay dahil sa Covid-19…mga Kabalitaktakan.

Aniya, may ilang bangkay ang nasa mismong pasilyo ng nasabing pampublikong ospital at nakasilid lamang sa mga “body o cadaver bag” habang hindi pa naki-cremate.

Sinabi pa ng naturang impormante mga Kabalitaktakan na ilang araw na ring nasa pasilyo ng ground floor ng Annex Building ng Quezon Medical Center ang ilang labi ng mga pasyenteng namatay dahil sa Covid-19.

Hindi na aniya ka-aya-aya mga Kabalitaktakan ang kalagayan sa nasabing pampublikong pagamutan dahil sa unang palapag na mismo ng ospital nakalagak ang mga hindi pa naki-cremate na labi katabi ang mga kwarto na kasalukuyang ginagamit para sa C-T Scan, 2D Echo at blood bank.

Sa ikalawang palapag naman mga Kabalitaktakan, binabanggit ng naturang “concerned citizen” na umabot na rin ang masangsang na amoy mula sa mga hindi pa naki-cremate bangkay.

Nabatid na nasa nasabi ring palapag ang stay-in quarters ng mga nurse na naka-duty at maging ang mga silid para sa pasyenteng nagpopositibo at nagpapagaling sa Covid-19.

Sa third floor naman aniya matatagpuan ang mga opisina ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DoH) at ilan pang tanggapan ng QMC.

Iginiit ng naturang impormante mga Kabalitaktakan na maituturing na isang malaking kahihiyaan at dagok sa pangasiwaan ng ospital at maging sa pamahalaang panglalawigan ng Quezon ang pangyayaring ito.

Malinaw aniyang nakasaad sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020 mga Kabalitaktakan na hindi maaaring patagalin ng higit sa labing-dalawang oras ang labi ng isang taong pumanaw sa COVID-19 at dapat nang isagawa ang pag-cremate dito.

Sakali namang walang kamag-anak ang kukuha sa labi, inaatasan sa ilalim ng nabanggit na “joint memorandum” ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang pagproseso ng cremation.

Nabatid na nagpatawag naman ng pagpupulong si Quezon Governor Danilo Suarez hinggil sa nabanggit na sitwasyon sa Quezon Medical Center.

Ngunit ikinadismaya ng naturang impormante na natapos ang pagpupulong na tila walang nailatag na malinaw at kongkretong solusyon sa nabanggit na suliranin.

Nakasaad sa pinakahuling report ng Quezon Province noong a-12 ng Setyembre na nakapagtala ng panibagong 153 COVID cases ang lalawigan.

Kabilang sa naitala ang anim na kaso sa bayan ng Catanauan, isa sa Dolores, 20 sa Guamaca, lima sa Patnanungan, tatlo sa Polillo, 12 sa Sariaya, anim sa Tagkawayan, pito sa Burdeus, pito sa Calauag, 10 sa Candelaria, dalawa sa Dolores, apat sa General Nakar, 11 sa Infanta, 30 sa Lucena, 11 sa Pagbilao, 14 sa Real at apat sa San Antonio.

Nabatid din mga Kabalitaktakan na sa kabuuang tala: umaabot na sa 18, 701 ang gumaling habang 1,079 naman ang namatay dahil sa COVID-19 sa lalawigan ng Quezon.

Ka-isa mga Kabalitaktakan ang inyong lingkod sa panawagan sa pamunuan ng Quezon Medical Center at maging sa Quezon Provincial Government para sa agarang pagresolba sa nabanggit na suliraning ipina-abot ng impormanteng “concerned citizen” na mula rin mismo sa nasabing lalawigan.

Bukas din po ang column na ito mga Kabalitaktakan para sa panig ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon at pamunuan ng Quezon Medical Center.

Hanggang dito na lamang muna mga Kabalitaktakan: Staysafe, good day and GOD Bless, yun oh!

Leave A Reply

Your email address will not be published.