Una sa Balita

Pamilya Veloso umapela kay Pangulong Duterte

By
0 5

Umaasa ang pamil­ya ni convicted drug trafficker Mary Jane Veloso na tutugunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang liham na humihingi ng tulong para makalaya ito sa pagkakakulong sa bansang Indonesia.

Base sa pahayag ng mag-inang Celia at Marites Veloso, gumawa sila ng isang sulat para kay Pangulong Duterte para maipaabot ang kanilang apela na tulungan silang makalaya ang kanyang anak na si Mary Jane.

Ayon kay Marites, kapatid ni Mary Jane, nagbakasakali sila na makausap ang Pangulo noong nagtungo ito sa Nueva Ecija subalit nabigo sila na makausap ito kaya’t ibinigay na lamang niya ang sulat sa isang tauhan ni Pangulong Duterte.

Masidhi ang kanilang pakiusap sa Pangulo na isalba ang buhay ng kanyang kapatid na nakapila sa parusang bitay sa Indonesia.

“Ilan taon din po ka­ming lumapit sa gobyerno nang panahon ng admi­nistrasyon Aquino, halos pabalik-balik kami at iisa lamang po ang sagot nila sa amin na gagawin daw po nila ang lahat ng magagawa nila pero inabot na po ng limang taon wala po kaming nakitang tulong nila.

Kaya’t umaasa kami ngayon kay Pangulong Duterte na matulungan ang aking anak na makalaya” pahayag ni Ginang Celia.

Nabatid na taon 2010 nang maaresto ng mga awtoridad si Mary Jane sa Indonesian airport matapos makuhanan ng heroin na umaabot sa 2.6 kilograms sa kanyang bagahe na itinangka nitong ipuslit.

Dumanas ng katakut-takot na mga pasakit si Veloso dahil sa droga na ipinadala sa kanya ng recruiter na si Maria Kristina Sergio.

Agad na ikinulong at sinampahan ng kaso si Veloso at makalipas ang ilang taon ay napabilang na sa hanay ng bibitayin sa nasabing bansa.

Gayunman, dahil na rin sa pakikipag-ugna­yan noon ni Pangulong Noynoy Aquino kay Indonesian President Joko Widodo ay naipagpaliban ang pag-firing squad kay Veloso.

Nakasalalay ang buhay at kapalaran ni Veloso sa mga sasabihin ni Sergio matapos itong sumuko sa mga awtoridad.

 “Pangulong Duterte, kayo na lamang po ang pag-asa namin na makalabas ng kulungan at mai­ligtas sa bitay ang akin anak.

Hirap na hirap na po siya sa kulungan. Sana po matulungan mo kami gusto ko na pong makapiling ang aking anak,” panawagan pa ni ginang Celia.

Umaasa pa rin ang pamilya Veloso na uusad ang kaso upang mapatunayang biktima lamang si Mary Jane sa nabanggit na kaso.

Sa kasalukuyan, itinuloy na ng bansang Indonesia ang firing squad sa mga dayuhan gayundin sa sarili nilang mamamayan na nahatulan ng parusang kamatayan kaugnay ng kaso sa iligal na droga.

Nabatid na nasa 152-katao ang naka­hanay sa death row sa Indonesia at kabilang dito sa Veloso at mga dayuhang mula sa France at Britain.