Una sa Balita

Pamilya timbog sa drug business

By
Kalaboso ang isang pamilya na binubuo nina Freddie de Guzman, 63-anyos, Freddie de Guzman Sr., 40-anyos, Freddie de Guzman Jr., 21-anyos, Zaldy de Guzman, 36 at kinakasamang si Angelica Ingaran, 26, pawang taga-Caloocan kamakalawa ng gabi dahil umano sa pagnenegos­yo ng mga ito ng bawal na gamot. (Cherk Balagtas)
0 7

Isang pamilya na umano ay ginawa ng negosyo ang ipinagbabawal na gamot ang inaresto ng mga awto­ridad sa sumbong na rin mismo ng mga tauhan ng barangay sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Caloocan City Police partikular na ni PS/Supt. Chito Bersaluna, ganap umanong alas-otso ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang pulisya na pa­kay na masakote ang pamilya-De Guzman na binubuo ng mga naarestong sina Freddie de Guzman, 63-an­yos, Freddie de Guzman Sr., 40; Freddie de Guzman Jr., 21-anyos, Zaldy de Guzman, 36-anyos at kinakasamang si Angelica Ingaran, 26, pawang residente ng 8th Avenue, Grace Park, Barangay 59, Caloocan.

Napag-alamang mismong mga tauhan ng nasabing barangay ang humingi ng saklolo sa pulisya dahil umano sa walang pakundangang pagnenegosyo ng droga ng nasabing pamilya. Matagal na umanong negosyo ng mga De Guzman ang pagtutulak ng droga kung saan nag-umpisa ito sa pinakamatandang mi­yembro ng kanilang pamilya at kalaunan ay ipinamana na sa kanyang mga anak.

Hindi na rin naman nanlaban ni isa man sa mga inarestong suspek at matiwasay na sumama sa pulisya. Hindi rin nila itinanggi ang ilegal na gawain at ­inaming mismong bahay nila ay ginagawa nilang pwestuhan ng mga parokyano nila na bumibili sa kanila.