Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pamilya naipit sa nasunog na bahay

0 385

Dinala sa pagamutan ang limang miyembro ng isang pamilya makaraang masunog ang unit ng gusali na kanilang tinitirhan sa Barangay Tejeros, Makati City nitong Miyerkoles.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy sa ground floor ng isang gusali sa Bliss housing sa H. Santos Street, ala-1:30 ng madaling-araw.

Sa salaysay ng isang residente sa lugar, may narinig umanong pumutok sa sala ng isang pamilya bago magsimula ang sunog. Lumaki na at naharangan ng apoy ang pinto kaya naman hindi agad na nakalabas ang mag-anak.

Agad na rumesponde ang mga bomber at hindi naman kumalat ang sunog sa iba pang unit. Naapula ang apoy makalipas ang isang oras.

Kasunod nito, agad na dinala sa ospital ang mag-asawa at kanilang tatlong anak na pawang mga menor de edad.

Sa inisyal na imbestigasyon, tinitingnang dahilan ng insidente ang baterya ng e-bike na nakasaksak sa sala ng mga biktima. Gayunman, patuloy pa ang imbestigasyon sa sanhi ng pagsiklab ng apoy.

Leave A Reply

Your email address will not be published.